Ross may ibubuga, late lang dumating

Kahit si NLEX coach Yeng Guiao, nakitang may ibubuga ang bagong import ng Rain or Shine na si Richard Ross.

‘Yun nga lang, mukhang huli na ang dating ng pang-apat na reinforcement dahil nakabalagbag na sa ilalim ng PBA Governors Cup standings ang Elasto Painters sa 2-7 win-loss card.

Maagang umalagwa ng double-digit lead ang Elasto Painters sa first quarter,
“Their import I think is the right fit for them except that medyo maikli ‘yung oras ng adjustment,” puna ni Guiao. “He got into foul trouble, but if it hadn’t been for that I don’t think we would have built up a lead.”

Maaga lang na-foul trouble si Ross, sa third ay may lima na at na-outscore ang Painters sa period 32-16. Doon nagsimulang kumalas ang Road Warriors hanggang kumpletuhin ang 111-91 panalo.

Tumapos si Ross ng 20 points mula 9 of 18 shooting, may 8 rebounds at 4 assists sa loob lang ng 28 ½ minutes.

Nanganganib nang mapagsarhan sa quarterfinals ang Painters, gusto lang ni coach Caloy Garcia ng magandang exit sa nalalabi pang dalawang laro sa eliminations.

“We’ll still try to get the last two games, at least maganda exit namin,” ani Garcia.

Si Joel Wright ang unang import ng RoS, tapos ang dalawang laro ay pinalitan ni Kayel Locke pero sadsad sa apat na laro ang Painters. Tinapik ang dating NLEX reinforcement na si Kwame Alexander pero nagka-injury naman sa pangalawang laro.

Lunes lang aniya nakapag-ensayo si Ross sa Painters kaya medyo nawawala pa sa rotation sa depensa.

“If he came in early sa conference, baka iba narating namin,” panapos ni Garcia. “Sayang nga lang. Coach Yeng told me after the game, ‘Okay ‘yung nakuha n’ying import.’ Kaso lang, too late.” (VE)