Magsasagawa ng mga pagbabago ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para mas maging katanggap-tanggap sa mga magulang ang pagbabalik ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) matapos itong pirmahan bilang urgent bill ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo, isasailalim sa screening ang mga instructor mula sa militar upang masiguro na walang kinakaharap na mga kasong kriminal o administratibo ang mga magsasanay sa mga mag-aaral ng senior high school.
Dagdag ni Arevalo, tuturuan din ng mga civilian instructor ang mga estudyante ng human rights, international law at Konstitusyon.
Ayon kay Arevalo, marami ang magiging pagbabago sa programa at hindi na aniya ito katulad ng ROTC program na nakikita ng karamihan na tinututulan sa kasalukuyan.
Ipinahayag naman ni Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde na suportado niya ang pagbabalik ng ROTC dahil kailangan ito ng ating bansa.
“Remember sa halos lahat ng bansa meron din silang mga military training. In fact ‘yung sa ibang bansa mandatory two years na kailangan mo talaga ma-enlist doon sa kanilang military like Israel that’s for one and also Taiwan, that’s another,” pahayag ni Abayalde.
Pero kailangan din umanong maitama ang ibang detalye ng ROTC upang hindi ito maabuso at maging daan ng korapsyon.(Edwin Balasa)