Nilinaw ni Roxanne Barcelo na hindi siya bitter sa pagkatalo niya kay Ethel Booba sa ginanap na “Tawag ng Tanghalan: Celebrity Edition” ng “It’s Showtime”.

Sa finals, nakakuha si Ethel ng pinakamataas na boto, pumangalawa si Jason Fernandez samantalang si Roxanne ay nasa third slot.

“In fairness to Ethel, magaling siya. Deserving naman siyang manalo,” pakli ng aktres.

Malaki rin ang pasasalamat ng bida ng “Love is Love” sa naturang show dahil naibalik nitong muli ang interes niya sa pag-awit.

“‘Yung music kasi, it brings painful memories for me. Sometimes, naging traumatic siya,” pagbabalik-tanaw ni Roxanne. “Sabi ko sa sarili, I will never sing again,” dugtong niya.

Paliwanag niya, may kinalaman daw ito sa mga hugot niya sa buhay.

Tuwing kumakanta kasi siya, hindi niya mapigilan ang maging emosyonal dahil naaalala niya si Bella Tan ng Universal Records. Ito ang nagbigay ng big break sa kanya. Namatay ito noong kare-release pa lang ng kanyang album.

Mapapanood si Roxanne sa romantic comedy at heartwarming drama movie na “Love is Love” na iprinodyus ng RKB Productions. Idinirehe ito ng magaling na director na si GB Sampedro, simula sa Disyembre 4.

Ginagampanan niya sa pelikulang ito ang papel ni Winona, ang nobya ni Wacko (Neil Coleta) na mai-involve sa best friend nitong si Anton (JC de Vera).

Bukod kina JC at Neil, kasama rin sina Raymond Bagatsing, Jay Manalo, Marco Alcaraz at Rufa Mae Quinto. (Archie Liao)