Inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang senatorial candidate na si Mar Roxas bilang promotor ng iligal na sugal.
Inihayag ito ng Pangulo sa campaign rally ng mga senatorial bet ng PDP-Laban sa Bangued, Abra kahapon.
Ayon sa Pangulo, napunta si Roxas sa maling grupo dahil ang mga nakasama nito ay sangkot sa iligal na gawain.
Partikular na tinukoy ng Pangulo ang dating security aide ni Roxas na si retired police General Marcelo Garbo na protektor aniya ng mga sindikato ng iligal na droga.
“Si Roxas, anak ng jueteng! Siya ‘yung promotor ng gambling. He got into the wrong company. Alam mo ba ang kanyang senior police aide ay si Garbo?” anang Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na pitong dating police general ang sangkot sa iligal na aktibidad matapos nitong pabuksan ang record ng mga ito kay dating Philippine National Police (PNP) Director Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
“Kasi nu’ng nakita ko, sinabi ko kay Bato buksan ang record. I realized then that I would be fighting my own government. Pitong pulis nandiyan sa listahan, puro generals,” dagdag pa ng Pangulo.
Hindi rin naitago ni Pangulong Duterte ang galit matapos banggitin ang pangalan ni retired police General Vicente Loot na kasalukuyang alkalde ng Daanbantayan, Cebu.
Ayon sa Pangulo, malaki ang kasalanan ng dating heneral dahil nagtaksil ito sa bayan.
“Loot, p******** ka Loot, general you committed treason,” nagngingitngit na pahayag ni Pangulong Duterte.