Nakatikim muli ng batikos kay Pangulong Rodrigo Duterte si senatorial candidate Mar Roxas na aniya’y wala namang nagawa kahit na isang tulay noong nakapuwesto pa ito sa gobyerno.

Sinabi ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa campaign rally ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Cauayan City, Isabela noong ­Miyerkoles.

Kasunod ito ng pahayag ng Pangulo na nais niyang masimulan ang pagpapagawa ng Metro Subway na popondohan ng Japan bago siya bu­maba sa puwesto sa 2022.

“‘Pag magdating ‘yung boring machine ng Japan at least before I leave the presidency, kung buhay pa ako, I said sana pagbigyan ng Diyos makita ko naman na ano. I’m not trying to say na remember me. As a ­matter of fact, ‘pag wala na ako, forget me. Ako, ‘yung personal satisfaction kung may ginawa ako. Ginawa ko lahat,” pahayag ng Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na ang Metro Subway ang magsisilbing pinaka-simboliko niyang proyekto sa anim na taon ng panunungkulan, taliwas sa mga politikong kumokontra sa kanya na wala naman aniyang nagawa noong sila pa ang nasa kapangyarihan.

“Ito si ***** **** Roxas na ‘to. Matagal na man ito. Nakagawa ba siya maski bridge? Na­ging secretary ng DOTC (Department of Transportation and Communication), naging DILG (Department of Interior and Local Government). Walang naiwan,” dagdag pa ng Pangulo.

Sinabi pa nito na kanyang itinulak ang P350 billion Metro Subway na magdudugtong sa Min­danao Avenue sa Quezon City at Ninoy Aquino International Airport sa Parañaque City matapos harangin ng ilang politiko ang kanyang plano na gamitan ng emergency power para maresolba ang matinding trapik na nararanasan sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).