Rozier sinalba ang Hornets kontra Mavs

Nagsalansan si Terry Rozier ng 29 points kabilang ang tying basket sa regulation at go-ahead 3-pointer sa overtime, at hiniya ng Charlotte Hornets ang Dallas Mavericks 123-120 Sabado ng gabi.

May 27 points at 13 assists pa si Devonte Graham sa pangalawang sunod na panalo ng Hornets matapos ang season-worst six-game losing skid.

Nilista ni Luka Doncic ang Dallas­ season record sa kinumpleto niyang NBA-leading 10th triple-double na 39 points, 12 rebounds at 10 assists.

Pero napuwersa sa turnover at dalawang mintis na 3s sa dulo ng regulation ang reigning Rookie of the Year matapos baliktarin ng Mavericks ang 20-point deficit sa first half tungo sa 12-point lead sa fourth.

Umiskor ng career-high 24 si Maxi Kleber sa Dallas.

Ibinaon ni Kleber ang tying 3 may 62 seconds pa sa OT para sapawan ang dati niyang career-best na 21.

Sumagot ng 3-pointer sa kabila si Rozier para basagin ang huling deadlock na 114. Mula sa field ay 10 of 15 overall si Rozier at 5 for 8 mula long range.

Tinuhog ng Hornets­ ang final six points ng regulation para humirit ng extra time. (Vladi Eduarte)