Sa kabila ng bantang giyera ng China, naniniwala pa rin si Senate Presidente Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na may magagawa ang Pilipinas para mapanindigan ang arbitral ruling sa usapin ng West Philippine Sea (WPS).

Aminado si Pimentel na walang sinumang gustong makipaggiyera sa China, ang mahalaga sa ngayon ay may ginagawa pa rin ang pamahalaan upang ipakita na hindi nito isinusuko kung ano ang para sa bansa.

Pahayag ito ni Pimentel kaalinsunod na rin sa naging banta ng China na handa silang maki­paggiyera oras na ipipilit ng Pilipinas ang arbitral ruling sa WPS.

Tinukoy ng senador ang patuloy pa ring namamagitang bilate­ral talks sa pagitan ng dalawang bansa upang makabuo ng mapayapa at katanggap-tanggap na solusyon.

“Mali ‘yung sasabi­hing wala tayong ginagawa, may ginagawa, may bilateral talks na inumpi­sahan na, kaya mayroon tayong magagawa at may ginagawa na nga,” ayon kay Pimentel.

Dagdag pa ng senador, ang nabanggit umanong arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas ay magi­ging historical record na rin para makilala ang bansa sa pagsusulong nito sa international jurisprudence on maritime law.