Noong offseason, hinugot ng Star si Ryan Roose “RR” Garcia mula Phoenix kapalit ng tatlong players. Tatlo para sa isa.
Nitong Linggo, pinakita ng 5-foot-10 guard na hindi sayang ang tiwalang binigay sa kanya ng Hotshots, pang-apat na team niya sa PBA sa loob ng tatlong seasons.
Inako ng dating FEU player ang trabaho ng tatlo, nag-take charge sa dulo ng regulation hanggang overtime para buhatin ang Star sa 105-102 win laban sa GlobalPort.
“We gave up a lot to get him, and he played like the three players we gave up,” lahad ni Hotshots coach Jason Webb.
Nilista ng 26-anyos na si Garcia ang best game suot ang jersey ng Star, nagkamada ng 26 points sa 11 of 13 shooting sa unang laro noong Linggo na naantala ng pagkawala ng kuryente sa Smart Araneta Coliseum.
Walong puntos ang iginuhit ni Garcia sa extra period, huli ang pressure-packed free throws mula sa deliberate foul ni Stanley Pringle na nagbigay sa Star ng unang panalo sa PBA Governors Cup.
Sa kanyang all-out effort, ginawad kay Garcia ang Accel-PBA Press Corps Player of the Week (July 18-24).