RR LIPAT-BAHAY SA SMB?

Wala pang isang linggo matapos pumirma ng three-year contract sa Star, mukhang ibang jersey na ang isusuot ni RR Garcia.

Sa ilang naglabasang ulat, lumalabas na si Garcia ang sentro ng three-team trade na kinapalaooban din nina Ryan Arana ng San Miguel Beer, Keith Agovida ng Mahindra at ilang draft picks.

Nakikipag-ensayo na raw si Garcia sa Beermen, pero hindi pa masigurado kung saan-saan mapupunta ang mga sinasabing involved sa trade. Ang mga trade papers, kailangan pang aprubahan ni PBA commissioner Chito Narvasa na kasama ng team governors ay tumulak patungong Seoul, South Korea kahapon para sa annual planning session ng liga.

Ayon sa isang source, inaasahan ang formal announcement sa trade pagdating ng PBA party sa Seoul.

For approval din ni Narvasa ang hiwalay na trades sa pagitan ng NLEX at Mahindra, at Star at Floodbusters.

Sa proposal, kukunin ng Road Warriors sina Bradwyn Guinto at Chito Jaime kapalit nina Jake Apinan at Reden Celda na No. 8 pick overall ng NLEX sa draft noong Linggo.

Mapupunta sa Hotshots si Aldrech Ramos kapalit ni Alex Mallari.

Ayon sa isang insider, nakipag-ensayo na si Garcia sa SMB kahapon sa paghahanda ng Beermen sa pagdepensa sa titulo ng season-opening ­Philippine Cup na sisiklab sa Nov. 20.

“Very welcome nga siya sa San Miguel dahil alam ng lahat na makakatulong siya na mag-spread ng defense with his outside shooting,” lahad ng source. “Walang hinanakit si RR dahil nakakuha siya ng new contract na three years na, maximum pa.”

Lumuwag naman ang backcourt ng Star pagkatapos ng Mallari trade. Naiwan sa kanila sina Paul Lee, Mark Barroca, PJ Simon, Justin Melton at Jio Jalalon. Nagsimula na ring mag-practice sa Hotshots si Ramos kahapon.