Ruby napikon sa patutsada ng netizen sa anak nina Bossing-Poleng

MASISILIP na sana ng netizens sa kauna-unahang pagkaka­taon ang mukha ng newborn baby nina Pauleen Luna at Vic Sotto, pero nilagyan ng emoticon ang mukha ng bata.

‘Yun nga lang nabinyagan agad ang sanggol ng pamba-bash mula sa isang netizen sa Instagram account ni Ruby Rodriguez. Pinoste ni Ruby sa Instagram account niya ang baby nina Pauleen at Vic na karga-karga niya.

“May apo na ako. May peekaboo si Baby T. Just love the smell of babies. Orlog ng orlog (tulog nang tulog). First karga ko jinutotan (inu­tutan) agad ako anak ka nga ng nanay at tatay mo!! Love you baby! Congratulations to my bff @pauleenlunasotto and bossing.

Motherhood becomes you.”

Umani ng magagandang messages ang posting na ‘yon ni Ruby, pero may isa nga na nagmaasim, dahilan para mag-react at rumesbak ng depensa niya ang Eat Bulaga comedienne-host.

Sabi ni @elsprincess23: “Bakit po ba ‘di pinapa­kita mukha ng bata? May diperensya po ba?”
Na dahilan nga para mag-init ang ulo ni Ruby.

“@elsprincess23 of course not!! Dapat lang magulang ang mauna hindi ba? Di lang pinakita may diperensya na? Sobra naman ata!” sagot ni Ruby.

Siyempre, todo-rescue ang mga nagmamahal sa mag-asawang Pauleen at Vic kaya kinuyog­ ng mga maaanghang na salita ang basher.

Anyway, sinusulat ang item na ito wala pang face photo na ina-upload si Pauleen sa kanyang socmed account.

Sigurado namang hindi ito ipagdadamot ni Pauleen lalo at first baby niya ito at isa siya sa mga active celebrity users ng Instagram.

Rachelle Ann takam na takam na kay Martin Spies

KINAIINGGITAN talaga ngayon ng mga kababaihan at kabadi­ngan si Rachelle Ann Go dahil sa kanyang dyowa na si Martin Spies. Naka-post sa Instagram account ni Rachelle ang half body photo ng kanyang hubby-to-be.

Naka-coat si Martin at may dalang bouquet of flowers. Hindi ang gesture ng lalake na dala-dala ang flowers para ibigay kay Rachelle ang nagpakilig sa kanyang mga followers at kinaiinggitan, kundi ang pagka-hunk nito.

Sa kanyang balbas-sarado-look, mala-GQ model ang dating ni Martin sa photo na mas hindi hamak na guwapo ito kaysa sa mga ex-dyowa ng aktres na sina Christian Bautista at Gab Valenciano.

Kahit si Rachelle ay hindi napigilang kiligin sa boyfriend na parang gusto na ­niyang hilahin ang mga araw para matapos na ang wedding at mapasakanya na si Martin.

Itinuturing nga ni Rachelle ang mapapangasawa na isang pangarap.

“It was a dream! Thank you for visiting me. I cannot wait to marry you @spiesmj,” say ni Rachelle na ramdam mong takam na takam na sa kanyang future dyowa.

Ideal man para sa singer/stage actress ang mapapangasawa dahil bukod sa maka-Diyos ito, sweet, loving and patient daw sa kanya.