Ruffa bobo sa lalaki-Annabelle

SI Annabelle Rama ang guest ni Vice Ganda noong Linggoi sa segment ng show niyang Gandang Gabi Vice na Sagot O Lagot. Sa tanong ng huli sa una kung ano ang pinakamabigat na ginawang kasalanan sa kanya ng anak na si Ruffa Guttierez, ang piniling sagot ni Annabelle ay sagot.

Kung lagot kasi ang pinili niya, ang challenge ay ibibigay niya ang isang suot na alahas sa isang audience member. Ayaw niya sigurong ipamigay.

Sabi ni Annabelle tungkol kay Ruffa,”Alam mo si Ruffa, mabait naman talaga ‘yan. Siyempre mahal ko, kasi only daughter. Pero ‘yung mga ayaw ko, sinusuway niya. Unang-una sabi ko sa kanya, maghanap siya ng boyfriend na bubuhay sa anak niya at sa kanya. Hindi siya kailangang magtrabaho kasi matalino naman siya, maganda, hindi naman siya bobo, ‘di ba? Ang ayaw ko lang pagdating sa lalaki, bobo talaga siya,”

Sa sinabing ito ni Annabelle ay nag-comment si Vice. Sabi nito,”Pero alam mo kasi tita, siyempre, iba ‘yung love, no! ‘Yung iba para sa iba, ‘yung ginawa niyang desisyon sa love,ay hindi smart. Pero sa isang tao, para sa kanya, smart ‘yung naging desisyon niya sa pag-ibig,”

Pagkarinig ng sinabi ni Vice, sagot naman ni Annabelle,”Kalokohan naman ‘yan Vice, may dalawang anak na siya, eh! Ikaw ba na-inlove ka ba sa ganyan, walang pera rin? Sa narinig na sinabi ni Annabelle ay hindi agad nakasagot ang komedyante. Natawa muna ito bago sumagot. “Tita, inaano kita? Kasi maraming tao naniniwala talaga sa love, walang edad, walang estado sa buhay, ‘di ba? Universal, wala ngang kasarian,’ di ba? Hindi pa natatapos ni Vice ang sinasabi niya ay biglang sumingit si Annabelle. Sabi niito, ”Tandaan mo ‘to Vice, kapag tumanda ka na, tapos bata ‘yung kinakasama mo, iiwan ka rin niyan,” Sa narinig, ay napatiili na lang si Vice. (Rommel Placente)