Ruffa, lilinawin ang ‘gimik’ sa sakit

Ruffa Gutierrez

Four weeks ago pa nang ikuwento ni Annabelle Rama ang tungkol sa “mysterious ailment” ng panganay na si Ruffa Gutierrez, pero pinag-uusapan pa rin ang tungkol doon.

Hindi pa nagbigay ng update si Ruffa tungkol sa kanyang kalagayan.
Wala rin siyang ikinukuwento kung nagpatingin na ba siya sa espiritista o albularyo.

May iba na nag-aakalang gimik ang tungkol sa “mysterious ailment” ni Ruffa dahil sa kanilang reality TV series sa E! international cable channel, ang It Takes Gutz to be a Gutierrez.

Anyway, ang alam namin, malalaman sa 4th episode ng 4th season ng It Takes Gutz to be a Gutierrez ang tungkol sa “mysterious ailment” ni Ruffa at mamayang 8:30 PM na ang episode na ‘yon sa E!.

Sa pagkakaalam din namin, nakunan ng videos ang pagdala kay Ruffa sa ospital, pati nang ma-confine siya roon.

***

BUKAS before midnight ang balik ni Paulo Avelino sa bansa.

Si Paulo, kasama si Julia Montes, ang inimbitahan ng Filipino community roon para um-attend sa 18th Fiesta In America noong Sabado’t Linggo sa Secaucus, New Jersey.

Huwebes nang umalis sa bansa si Paulo at Huwebes din sila nakarating ng New York.
Biyernes nagkaroon ng Filipino Ball na may kinalaman pa rin sa event na pinuntahan nila at um-attend din doon sina Paulo at Julia.

Hindi masyadong nakapamasyal sa New York si Paulo dahil mas gusto ng aktor na nagpapahinga kapag nasa ibang bansa siya.

Sa Miyerkules, magsisimula na si Paulo ng shooting para sa Star Cinema movie nila ni Angelica Panganiban, ang Unmarried Wife, kaya hindi na nag-extend sa New York ang aktor.

***

Mala-“concert TV” na naman ang dating ngayon ng ASAP.

Dumami na naman ang kantahan at dance numbers ng weekly musical variety show ng ABS-CBN.

Hindi na sila masyadong nagpapatawa na obviously ay ginaya nila noon sa katapat na show sa GMA 7, ang Sunday PINASaya.

Mas gusto ng fans na ganoon ang format ng ASAP, kaya bumalik ang interest ng manonood sa nabanggit na show.

Kapuri-puri ang ASAPinoy segment nila kung saan ay binibigyan nila ng tribute ang mga composer at singers.

Isa si Ogie Alcasid sa singers na nag-guest sa unang ASAPinoy segment kung saan si Maes­tro Ryan Cayabyab ang binigyan ng tribute.

May mga nagtatanong nga kay Ogie kung kailan siya bibigyan ng tribute ng ASAP, pero wala raw siyang alam.

Nang usisain namin ang manager ni Ogie na si Leo Dominguez, sinabi nito sa amin na wala pang inquiry ang ASAP sa kanya tungkol sa bagay na ‘yon.

Sa ngayon ay abala si Ogie sa kaliwa’t kanang guestings para sa birthday concert niya na Ayokong Tumanda sa Music Museum ngayong Agosto 26 at 27 (birthday niya mismo).

Nagagawang makapag-guest ni Ogie sa ABS-CBN at GMA 7 shows dahil sa TV5 kung saan ay exclusive contract artist siya hanggang sa Agosto 18 (wala pang linaw ang tungkol sa renewal ng contract niya), tanging ang show nila na HapPINAS, Happy Hour ang show na puwede siyang makapag-promote.

Puro canned shows at sports shows na lang ang tinaguriang Happy Network.