Ruffa, nawala ang gown sa fashion event

Ruffa Gutierrez
Tom Rodriguez  at Lovi Poe
Tom Rodriguez at Lovi Poe

MAMAYA ang press launch ng bagong teleserye ng GMA 7, ang Someone To Watch Over Me.

Sina Lovi Poe at Tom Rodriguez ang mga bida rito.

Dahil taken na ang binata (although hindi pa niya deretsahang inaamin na matagal na silang mag-sweethearts ni Carla Abellana), malabong intrigahin ng entertainment press ang dalawa.

Kahit marami silang intimate scenes at ayon na rin mismo sa kanila ay hindi sila naiilang sa isa’t isa dahil nag-usap na sila bago pa man nagsimula ang first teleserye team-up nila, still, walang maniniwala kung ili-link sila sa isa’t isa.

For sure, si Tom, uusisain about Carla at baka pilitin pa siyang umamin, ‘noh?!

At si Lovi? Of course, hindi palalampasin ng entertainment press ang pagkakataon na matanong siya kung nami-miss ba niya ang French guy and rumored boyfriend niyang si Chris Johnson.

Hindi ba’t dumalaw sa bansa kamakailan si Chris, pero ang sabi ni Lovi noong nag-renew siya ng exclusive contract sa Kapuso network, hindi niya boyfriend ang binata at hindi nilinaw kung nanliligaw ba ito.

Sa sobrang kaseksihan ni Lovi (na hindi niya ikinahihiyang i-flaunt sa mga pictorial niya na naka-two-piece siya), imposibleng hindi mahalina sa kanya si Chris, huh!

Hindi pala pupunta ng Italy si Lovi para sa wedding ng kaibigang si Isabelle Daza, maganda sanang matanong ang actress/singer kung magkikita sila sa Europe ni Chris.

Busy kasi sa taping ng Someone To Watch Over Me si Lovi at hindi siya puwedeng umalis ng bansa.

***

Ruffa Gutierrez
Ruffa Gutierrez

May ‘sabotage’ bang ginawa kay Ruffa Gutierrez sa isang fashion event na sinalihan niya kamakailan?

 Sa episode mamaya ng It’s Takes Gutz to be a Gutierrez sa E!, nakunan ng cameras ng kanilang show ang mga ‘eksena’ sa backstage ng fashion event na sinalihan niya kung saan ay hindi ma­hanap ng staff ang gown na dapat niyang isuot.

Na-tense si Ruffa dahil isasalang na siya sa fashion event na ‘yon at nawawala pa rin ang kanyang gown.

Malalaman din ang saloobin ni Raymond Gutierrez tungkol sa ‘mysterious ailment’ ng kanyang Ate Ruffa.

Sa mga miyembro kasi ng Gutierrez family, parang si Raymond ‘yung hindi masyadong nagsasalita tungkol sa mga pangyayari sa buhay ng kanyang Ate Ruffa.

Tanging sa episode lang daw mamaya ng It’s Takes Gutz to be a Gutierrez malalaman kung gaano ka-concerned si Raymond sa kanyang Ate Ruffa.

Si Raymond kasi ‘yung tipong hindi masyadong open sa public pagdating sa problema ng kanyang pamilya, pero tama ba ang narinig namin na naging emotional siya habang pinag-uusapan ang health issue ng kanyang Ate Ruffa?

Hindi puro drama ang mapapanood sa episode mamaya ng It’s Takes Gutz to be a Gutierrez dahil may bonding moments din ang Gutierrez matriarch with Asia’s Queen of Songs na si Ms. Pilita Corrales.

Malalaman sa episode nila mamaya kung gaano ka-close si Bisaya kay Tita Pilita na ina ng pa­ngalawang anak ni Eddie Gutierrez na si Ramon Christopher.

Mae-explain din doon kung bakit hindi pinagseselosan ni Bisaya si Tita Pilita samantalang kilala siya sa sobrang pagiging selosa.

Noong araw kasi, kaliwa’t kanan ang mga kaso ni Bisaya dahil marami siyang mga babaeng sinugod, pinagsasampal, sinabunutan dahil sa sobrang selos kapag nali-link sa noon ay pinakaguwapong matinee idol na eventually ay naging mister niya.

Napapanood ang It Takes Gutz to be a Gutierrez sa E! (Skycable and Destiny Digital Channel 57, Cignal Channel 25 and Cablelink Channel 33) tuwing Lunes nang 8:30 PM.

Puwede ninyong i-check ang schedules ng replays dahil madalas i-post ‘yon ng Gutierrez family sa kanilang social media accounts.