Tingnan natin kung sino sa mga opisyal ng gobyerno ang tutugon sa panawagan na sumakay ng mga pampublikong sasakyan papasok sa trabaho at pauwi ng bahay.
Hindi na kailangan pang imungkahi o ipanawagan para maunawaan ng mga opisyal ng pamahalaan ang kahalagahan ng “mass transportation”.
Marahil dalubhasa ang mga ito kaya nalagay sa puwesto. May mga “thesis” o pagsasaliksik na ginawa kung paano malulutas ang malalang sitwasyon ng “public transportation” sa bansa.
Isang aspeto sa usaping ito ay ang sitwasyon ng mga pasahero.
Maulan man o maaraw, may baha o wala, ang mga pasahero o mananakay ay laging tablado.
Mahabang oras ang ginugugol sa kalsada. Mula sa pakikipag-agawan sa masasakyan, bubuno pa ng napakabigat na trapik papasok sa trabaho at pauwi ng bahay.
Kahit maayos at bagong ligo, kapag minalas, nanggigitatang darating sa opisina dahil sa pakikipagsiksikan sa “jeep o bus” na minsan lamang sa isang taon kung malinisan.
Hindi lahat ng pasahero ay may “choice”. Totoo na puwede namang makakuha ng “maayos” na masasakyan, kaya lang wala nang makakain o kaya naman hindi na makapasok kinabukasan dahil mas mahal ang pasahe, kaysa sa kinita sa buong
araw.
***
Isa ring aspeto na dapat lutasin ay ang kalalagayan ng mga tsuper. Likas nga bang barumbado ang mga ito o nilamon na ng kawalan ng disiplina sa kalsada?
Dahil sa “boundary system,” nag-aagawan ang mga tsuper sa pagkuha ng pasahero. Para maka-boundary at makaikot ng marami ay ‘nagka-cutting trip’. Kapag isa lang ang pasahero, kung hindi palilipatin ng dyip ay pabababain sa alanganing lugar.
Ito ang araw-araw na kalbaryo ng mga pasahero. Mas mahaba ang oras sa biyahe, kaunti lang ang itinitigil sa bahay. Tulog pa ang mga anak pag-alis at pagdating ng bahay.
Katulad ng ibang serbisyo na kailangan ng mga tao, ang ‘mass transportation’ ay isa rin sa mga sukatan kung natutugunan ng gobyerno ang pangangailangan ng mga mamamayan nito.
Nakalulungkot na masasabing bagsak dito ang gobyerno. ‘Rule of the jungle’ ang umiiral sa kalsada lalo na sa panahon ng ‘rush hour’. Unahan, walang matanda, walang bata.
Kailan kaya makakatikim ng ginhawa ang mga ordinaryong pasahero?