Rules of Engagement

punto-de-oro-box Gani Oro

Nagpaliwanag ang Valenzuela City Police sa naganap na engkuwentro sa isang bank employee na si Gregory Frank Baquiran sa nasabing lungsod noong nakaraang linggo, April 17, 2017.

Sa programang Oro Mismo sa DZRJ, sinabi ni Valenzuela Police Chief S/Supt. Ronaldo Mendoza, nakipaghabulan umano si Baquiran sa mga pulis matapos harangin ng isang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Paliwanag pa ni Mendoza, nagdulot umano ng panganib sa publiko at kapulisan si Baquiran dahil hindi nito pinahinto ang kanyang sasakyan sa kabila ng ginawa nilang pagpigil at pagharang dito.

Dahil aniya rito ay wala na silang nagawa kundi paputukan ang sasakyan ng nasabing bank employee na ngayon ay nasa comatose dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo at braso.

Gayunman, sinabi ni Mendoza na pansamantalang ni-relieve na ng kanyang opisina ang walong (8) pulis na sangkot sa nasabing insidente habang gumugulong ang kanilang imbestigasyon.

Hindi nakipagbarilan sa mga awtoridad at nabatid na walang nakuhang armas kay Baquiran bagama’t sinasabing walang lisensya na nakuha sa sasakyang minamaneho nito.

Kaya ang malaking katanungan ay papanong nanganib ang buhay ng mga pulis kung walang nakitang hawak na kahit na anong armas itong si Baquiran? Nag-over acting kaya ang PNP Valenzuela, o sadyang nangangati lang ang kanilang mga daliri sa gatilyo ng kanilang mga baril?

Kung ang kasalanan ng taong ito ay simpleng traffic violation dahil sa kanyang ‘pag counter-flow, masyadong marahas ang ginawa ng pulis ng Valenzuela.

Ang sabi, parurusahan ng pamunuan ng Pambansang Pulisya o ng Philippine National Police ang sinumang alagad ng batas na masusumpungang lumabag sa Rules of Engagement.

Ito ang tiniyak ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa kaniyang mensahe sa isinagawang Senate investigation kamakailan kaugnay ng mga balita sa extrajudicial killings sa bansa.