LEVEL UP!

Hindi na lamang ang popular na Defense of the Ancient o DOTA ang kinagigiliwan ng mga eGamers sa bansa kundi pati na rin ang papa­angat na bagong laro na Rules of Survival.

Nasaksihan ito ng inyong lingkod Sabado ng gabi matapos na magpagalingan ang kabuuang 15 koponan sa kampeonato ng pinakamalaking Rules of Survival Tournament sa Pilipinas na ini-host ng Nimo TV sa Mineski Infinity Café sa Vito Cruz, Manila.

Kakaiba talaga sa natural na pisikal na sports ang labanan pero maiigting ang lahat ng miyembro ng bawat koponan na nakapagkuwalipika matapos isagawa ang ilang linggong playoffs sa 3 hiwalay na lugar.

Isa lang sa 15 teams ang tatanghaling kampeon sa kinilalang Season 1 lamang ng Rules of Survival – Nimo TV- Philippine Champions League.

Higit sa 300 koponan ang sumubok sa kanilang tsansa sa ginanap na qualifiers at 45 ang nakausad sa isinagawang playoffs bago na lamang napili ang 15 na magsasagupa kada isa para masungkit ang prestihiyo bilang siyang Rules of Survival Tournament-Philippines champion.

“We are delighted in the turnout of our first event in the Phi­lippines, and we are excited to know who will represent the Phi­lippines in the upcoming Rules of Survival Southeast Asia Tournament” sabi ni Henry Zhao ng Overseas Executive na nagmamay-ari sa laro.

Ang magwawagi sa torneo ay iuuwi ang Php100,000 para sa kampeon. Ang ikalawa ay Php80,000 at Php50,000 para sa ikatlo.

Maliban sa cash prizes at in-game items ay makakamit din ng Top 5 teams ang karapatang katawanin ang Pilipinas sa Rules of Survival – Southeast Asia tournament na gaganapin sa iba’t ibang bansa sa 2019.

Nagsagupa naman ang Bakunawa B, ­Savage.ROX, Savage Gaming at Bakunawa A mula Mineski Infinity Taft; ang Kudos Ga­ming, CLG, Comeback <3, Evo Groundz at Team Marshall sa Mineski Infinity Morayta habang nagmula sa Mineski ­Infinity Cubao ang Young Blood, Sealteam ­Peenoise, Chupon Gaming, XO-ideas, Cheater Slayer Nambawaa at ang crowd favorite na Team Mix mula din sa Mineski Infinity Cubao.