Rumaket sa alcohol timbog

Dalawang hoarder ng mga alcohol ang nakorner ng pinagsanib na operatiba ng pulisya makaraang kumagat sa inilatag na entrapment operation sa Brgy. Batia, Bocaue, Bulacan kamakalawa.

Sa report na isinumite kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Rhodel Sermonia, kinilala ang mga inaresto na sina Emmuel Payabyab y Cruz at Mark David y Menguez, parehong nakatira sa nasabing barangay,

Nakakulong sila ngayon dahil sa mga kasong hoarding at profiteering ng alcohol.

Nabatid na ikinasa ang entrapment operation matapos ang impormasyong sangkot sa iligal na aktibidad ang dalawang suspek.

Narekober sa dalawang suspek ang 30 piraso ng puting plastic container/galloon ng isang brand ng alcohol; 434 piraso ng puting plastic container/galloon na may lamang disinfectant; P500 bill marked money; at isang kopya ng delivery receipt na may kabuuang halaga na P346,650 na inisyu ng suspek na si Payabyab.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek habang inihahanda ang mga kasong isasampa ng pulisya laban sa kanila.