Arestado ang isang babaeng online casino dealer makaraang rumaket umano bilang drug trafficker kasama ang anim pang drug suspect sa buy-bust operation sa isang hotel sa Sta. Cruz, Manila.
Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Police General Aaron N. Aquino ang nadakip na si Julie Ann Maglalang Sarmiento, online casino dealer at drug trafficker, na sinasabing target ng operasyon.
Kabilang sa mga naaresto sina Benjos Lacson Malit, Prince Ibia Fazhel Arganoza, Ma. Serty Perez Balais, Dave Hernaez Calilong, Kim Francis de Guia Balais at Rafael Mico Cortez.
Ang mga suspek ay nadakip ng pinagsanib na operatiba ng PDEA Special Enforcement Service sa pamumuno ni Director Levi S. Ortiz, at Manila Police District sa isang silid ng hotel sa Quiricada St., Sta. Cruz.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang plastic sachet ng shabu na nagkakahalagang P13,600; anim na tableta ng ecstasy, 2 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana, 5 botelya ng liquid ecstasy, drug paraphernalia, 2 mobile phone at buy-bust money. (Dolly Cabreza)