Rumespondeng pulis sumemplang, sinugod sa ospital

Isang pulis na rumesponde sa isang reklamo ang inoobserbahan ngayon sa Chinese General Hospital matapos itong sumemplang sa kanyang motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Nabatid kay PMaj Salvador Tangdol, ng Manila Police District- Police Station 3 na ang biktima ay nakilalang si Patrolman Layson Poquiz, nakatalaga sa MPD-PS7.

Nalaman na naganap ang insidente dakong alas-7:45 ng gabi, sa panulukan ng Cavite St., at Rizal Avenue sa Tondo, sakop ng Brgy 209.

Nakatanggap ng tawag ang PCP kaugnay sa nagaganap na inuman sa lugar kaya ang biktima at mga kasamahang sina PSsg. Raymond Ramos at PCpl. Noel Mapile ay agad na rumesponde.

Binabagtas ng tatlong pulis ang kahabaan ng Rizal Avenue at pagsapit sa Cavite St., ay nagulungan ng motorsiklo ni Poquiz.ang maliit na bato dahilan para sumpelang ito.

Kaagad namang isinugod ng mga tauhan ng Blue Eagle Rescue, sa pangunguna ni Kagawad Conrado Mendoza ang biktima sa pagamutan ang biktima kung saan ginagamot ito ngayon. (Juliet de Loza-Cudia)