Inilista ni Damian Lillard ang 15 sa kanyang 24 points sa third quarter, hindi pinaiskor ng Portland si Russell Westbrook sa buong second half at pinaamo ng Trail Blazers ang Oklahoma City Thunder 111-98 Linggo ng gabi.
Lamang na ang Portland 3-1 sa kanilang Western Conference first-round playoffs, puwede nang isara ang serye sa Game 5 sa Miyerkoles (araw sa Manila) sa sariling teritoryo.
Sa Game 3 loss noong Biyernes ay umiskor din ng 25 sa third si Lillard. Sa Game 4, 5 of 7 siya sa third at kinontrol ng Blazers ang laro.
Pumasok ang unang basket ni Lillard 1:14 pa sa first half matapos sumablay sa unang anim, bagama’t may 7 assists na bago ang break.
“He manages the game. He senses the moment when we need him to do different things,” ani Portland coach Terry Stotts sa kanyang All-Star guard. “He’s an ultimate competitor. He is going to give it his all.”
Umayuda ng 27 points si CJ McCollum, may 19 points at 9 rebounds si Al-Farouq Aminu at 15 points, 10 rebounds kay Maurice Harkless sa Blazers.
Nagsumite ng 32 points at 10 rebounds si Paul George sa Oklahoma City, may 17 points si Dennis Schroder.
Nagkasya sa 14 points si Westbrook na 5 of 21 sa floor, may 9 rebounds at 7 assists. Walang pumasok sa kanyang huling 10 tira, sa isang yugto ay 0 for 7 sa second half.
Naigapos din ng maagang tatlong fouls si George, hindi masyadong napakinabangan sa second quarter pero kumapit sa unahan ang OKC.
Nagbaon ng 3-pointer si Lillard sa final minute ng first half, sinundan ng 3 din ni Aminu 3.9 seconds pa tungo sa 50-46 Portland lead sa break. (VE)