Nahuli ng kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Russian national na wanted sa kanyang bansa sa kasong pandaraya kung saan naging kontrobersyal din ito sa pagpaslang sa isang pagong sa Negros Oriental.

Si Likharev Anton, 37-anyos, ay nahuli ng isang kawani ng BI Tourist Visa Section nang tangkain nitong i-extend ang kanyang temporary visitor’s visa sa head office ng BI sa Intramuros, Maynila.

Sa rekord ng BI, si Likharev ay dumating sa bansa noong 2016 bilang isang turista at hindi na umalis simula noon.
Ang naturang dayuhan ay binabaan na ng Summary Deportation Order na nilagdaan ng BI Board of Commissioners noong Disyembre 2018 kasunod ng impormasyon na siya’y wanted sa korte ng Russia dahil sa pandaraya, na isang paglabag sa Article 159, part 4 ng Criminal Code ng Russian Federation.

Si Likharev ay naging laman ng mga headline noong 2017 matapos maaresto dahil sa paglabag sa Fisheries Code of the Philippines at municipal ordinance nang patayin nito ang isang green sea turtle na may isang sibat sa Dauin, Negros Oriental. Itinanggi naman nito na intensyon niyang patayin ang pagong. Hindi umano niya alam na ang lugar ay isang marine sanctuary.

Inilipat ang naturang dayuhan sa BI Fugitive Search Unit upang ikulong sa detensyon ng BI sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang pagpapatupad ng kanyang deportasyon.