Sa pag-aakalang safe sa sosyaling Rustan’s Supermarket, hindi pinansin ng isang shopper nang may sumaling sa kanyang bag bandang alas-singko hanggang alas-5:30 nang hapon sa Tomas Morato branch nito noong Oktubre 16.

Ang mga Gokongwei na ang may-ari ng Rustan’s Supermarket makaraang bilhin nila sa mga Tantoco noong nakaraang taon.

Hindi naisip ng biktima na may ‘sumalisi’ sa kanyang bag pero huli na nang malaman niyang nanakaw na ang kanyang wallet na may P10,000 kasama na ang kanyang mga ID sa Rustan’s Supermarket Tomas Morato.

Ayon sa kuwento ng nagngangalang John Smith, sinabihan niya agad ang babae na pumunta sa store manager para ma-review ang CCTV footage pero walang ginawa ang na­sabing store manager.

“I told her to ask the store manager to review the CCTV footage, and they are doing ABSOLUTELY NOTHING to help,” sabi ni Smith.

Dagdag pa niya, sinabihan lamang ng Rustan’s Supermarket ang biktima na hindi nila ma-review ang CCTV footage at hini­ngan lang nila siya ng contact number. Ta­nging landline lamang ng Rustan’s Supermarket Tomas Morato ang ibinigay sa biktima at ang pangalan ng store manager na si Julius San Jose.

Tanong ni Smith, ganito ba dapat ang trato sa mga customer na bumibili sa kanila na kung wala namang tinutubo sa mga ito ay hindi makabibili ng CCTV system ang Rustan’s Supermarket?

Sabi ni Smith, bihira siyang humingi ng kahit na ano sa mga tao pero nakikiusap siyang i-share ang kanyang post tungkol dito para makapag-isip ang may-ari ng Rustans ng tamang trato sa kanilang customer.

“I rarely ask anything of people, but if you could, please report this, let’s make this shameful company regret being disloyal to its faithful customers,” sabi ni Smith.

Hiningi ng Tonite ang panig ng Rustan’s Supermarket at ang PR ng mga Gokongwei na si Resty Perez ngunit hindi ito nagbigay ng pahayag. (Eileen Mencias)