Ipagpapatuloy ngayong araw na ito ang joint committee hearing sa insidente sa Resorts World Manila na pinasok ng nag-iisang salarin na si Jessie Carlos subalit ikinamatay ng 37 guests at empleyado ng casino noong Hunyo 2.
Gayunpaman, sa 33 katao na inimbitahan ng House committee on games and amusement, ang nangungunang komite na nag-iimbestiga sa nasabing insidente, ay hindi kasama ang may-ari ng RWM na si Andrew Tan.
Noong nakakaraang linggo, sinabi ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na marami pang katanungan na dapat sagutin sa insidente sa RWM kaya nais nitong humarap din ang may-ari ng casino sa imbestigasyon.
Subalit sa listahan ng mga pinadadalo sa pagdinig ngayong araw na ito, wala ang pangalan ni Tan bagama’t ipinatawag ang pangulo ng RWM na si Kingson Sian, Chief Operating Officer (COO) Stephen James Reilly at Chief Legal Officer Atty. Ma. Georgina Alvarez.
Kasama sa inimbitahan ang attendant ng SeaOil gas station kung saan bumili si Carlos ng gas na ginamit sa pagsunog sa RWM na ikinamatay ng mga biktima. Kasama rin sa inimbitahan ang taxi driver na si Nanilo Rodriguez na sinakyan ng salarin papuntang RWM.
Maging si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, National Police Commission (Napolcom) Vice Chairman Rogelio T. Casurao, National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde, ay pinadadalo sa pagdinig.
Ipinagtanggol ni Parañaque Rep. Gustavo Tambunting, ang imbestigasyon dahil nais umano nilang masiguro na hindi na mauulit ang nasabing insidente sa hinaharap.