Distansya ang isa sa mahalaga para hindi mahawa ng Covid-19. Pero paano magagawa ito ng health workers na nagmomonitor ng kalagayan ng pasyenteng may virus.
Oo nga at mayroon silang Personal Protective Equipment o PPE, pero kailangan pa ring mabawasan ang pagkakataong mahawa sa pamamagitan ng distansya at pagbawas sa pagmonitor ng malapitan sa pasyente.
Isang device na ginawa ng mga researchers sa Electrical and Electronics Engineering Institute at ng University of the Philippines National Institute of Physics gayundin ng National Telehealth Center ang solusyon dito.
Pinondohan ng Department of Science and Technology Philippine Council on Health Research and Development ang pagbubuo ng innovation na ito na tinatawag na RxBox.
Isa itong medical device na puwedeng makita ang vital signs ng pasyente kahit malayo ang nagmomonitor dito.
Ikinakabit ang RxBox sa pasyente para mamonitor ang blood pressure at blood oxygen level.
Ang blood pressure monitor ang sumusukat sa presyon ng dugo ng pasyente para malaman kung may problema ang daloy ng dugo nito.
Ang pulse oximeter naman ang sumusukat sa oxygen level sa dugo ng pasyente. Maaari nitong malaman kung may problema ang baga at puso ng pasyente.
May audio signal din para sa puso, baga at sikmura ng pasyente.
Ang electrocardiogram naman ang nagmomonitor sa paggalaw ng puso at pagbomba ng dugo patungo sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng pasyente.
Mayroon din itong temperature sensor para malaman kung nilalagnat ang pasyente.
Mayroon ding kasamang fetal heart monitor para makita ang kalagayan ng bata sa sinapupunan lalo na kung maysakit ang ina nito.
Mayroon ding maternal tocometer na sumusukat sa paggalaw ng sinapupunan ng ina para malaman kung may panganib sa panganganak ng nanay.
Unang ginamit ang RxBox sa mga remote areas na walang manggagamot. Ang mga vital signs ng pasyente ay ipinadadala sa computer patungo sa mga medical experts sa urban areas. Mayroong telecenter ang Philippine General Hospital kung saan ini-interpret ng mga doktor ang ipinadadalang data mula sa RxBox, at mula rin doon ay nagigiyahan nila ang nga doktor sa barrio kung ano ang gagawin sa pasyente.
Isa ito ngayon sa ipinapagamit ng DOST sa mga pampublikong ospital na itinalaga bilang Covid 19 centers para matulungan ang mga doktor na mamonitor ng regular ang kalagayan ng kanilang pasyente nang hindi kinakailangang lapitan ito.