PARA ipakita, patunayan at ipadama ang pagmamahal ni Ryza Cenon sa kanyang boyfriend na si Pocholo Barretto, na nag-celebrate ng birthday last Tuesday, pinalibutan ng maraming love notes ng Kapuso star ang actor.
Naka-post sa Instagram wall ni Ryza ang ilang mga larawan na nagpapakita ng kanyang pagpapahalaga sa kaarawan ng nasabing boyfriend at para iparamdam ang malaki nitong pagmamahal sa huli.
Sa caption pa lang ng larawan ni Pocholo na nasa hagdan at may hawak na bote ng beer, nag-shout out na si Ryza ng pagbati niya sa kasintahan na punung-puno ng pag-ibig.
“Sa taong nagmamay-ari ng puso ko, maligayang kaarawan sayo. Mahal na mahal kita. @pocholobarretto,” sey ni Ryza.
At ‘pag nag-swipe ka ng mga photos, makikita ang mga lovenotes at birthday greetings ni Ryza na nakadikit sa mala-beach umbrella. Isa sa naka-close up na note ay nakasulat ang “happy birthday my love”.
Ibinalik naman ni Pocholo ang importansyang ipinadama sa kanya ng girlfriend niya, sa pagko-comment na, “Mahal na mahal kita”.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpahayag ng matinding pagmamahal si Ryza kay Pocholo. Sa tindi ng pagmamahal ni Ryza kay Pocholo na ipinangangalandakan pa niya sa socmed, baka gumuho muli ang mundo niya kapag nagkahiwalay sila, na wag naman sanang mangyari.