SA ALVAREZ VS FLOIRENDO: HINDI AWAY-BABAE ANG ISYU

Pantaleon Alvarez

Kontratang ‘di patas at hindi kung anu-anong isyu tulad ng ibinabatong away-babae at speakership ang punto ng pagsasampa ng reklamo sa Ombudsman ni House Speake­r Pantaleon Alvarez kay Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo Jr.

“Our friendship ends where the interest of the country begins,” pahaya­g pa ng House Speaker.

Ayon kay Alvarez, halos P24B umano ang mawawala sa pamahalaan sa ilalim ng ‘di patas na kontrata sa pagitan ng Tagum Deve­lopment Corp., (Tadeco) na pag-aari ng pamilya Floirendo at ng Bureau of Corrections ­(BuCor).

Ito ang pagtaya ng tanggapan ni Alvarez batay sa mga agribusinessmen at mga eksperto sa ­lupa na umano’y nakakaalam sa kalakaran sa rentahan ng lupang sakahan.

Kaya maaaring umabot sa P200,000 kada ektarya o katumbas ng P26B sa loob ng 25 taon (mula 2003 hanggang 2028) ang rentahan ng lupang ginagamit umano ng Tadeco ngunit nagbabayad lamang umano sa BuCor ang kumpanya ng higit P20,000 kada ektarya o higit P660M sa loob ng 25 taon.

Bunsod nito ay nasa higit P25B umano ang mawawala sa pamahalaan sanhi ng maanomalyang kontrata, hindi pa kasama­ rito ang mga nawala­ na mula noong ­unang lagdaan­ ang kontrata.

Ito ang ugat ng pagsasampa ni Alvarez ng graft laban kay Floirendo na numero unong campaign donor ni Pangulong ­Rodrigo Duterte sa katatapos na presidential election.

Giit ni Alvarez, may tungkulin si Floirendo na ipaliwanag sa bayan kung bakit nakuha ng pamilya niya ang kontrata na ikinalugi ng gobyerno ng bilyun-bil­yon taun-taon sa pamamagitan ng kanilang “highly irregular and disadvantageous contract to the government”.

“‘Yun ang kailangan niyang paliwanag at ‘yun ang subject ng aking resolus­yon na finile sa Kongreso at ‘yun din ang isang cause of action na ginamit ko para sampahan siya ng kaso sa Ombudsman,” ani Alvarez.

“Ipaliwanag niya ‘yung kontrata sa gobyerno, ‘yun ang gusto kong pag-usapan at kung pwede magharap kami sa national TV marami ako itatanong sa kanya at kailangan niyang sagutin,” dagdag ng speaker.

Samantala, nasa bingit­ na ng pagkabasag ang partido ni Pangulong Duterte na PDP-Laban dahil sa mga away ng dala­wang pangunahing lide­r ng partido na sina Alvarez at Floirendo na nagsimula umano sa awayan ng kanilang mga babae.

Ito ang basa ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano kahapon matapos maghain ng supplemental impeachment complaint laban kay Durterte.

“Pareho silang PDP-Laban and the…pagkaroon ng awayan na tulad niyan ay ibig sabihin nawawalan ng kontrol at nawawalan ng unity ang partidong ‘yan so puwedeng mabasag,” ani Alejano.