Nagpanagpo na sa West Philippine Sea (WPS) ang mga barkong pangdigma ng China at Estados Unidos.

Itinaboy ng mga Tsinoy ang mga Kano na nagsasagawa ng tinatawag na ‘freedom of navigation operation’ sa lugar na inaangkin ng China.
Ang ginawa ng US Navy ay mapusok at nag-iimbita para magkaroon ng kumprontasyon ang dalawang higanteng bansa.

Mapangahas ang ginawa ng USS Decatur na isang ‘guided-missile destroyer’. Probokatibo naman ang ginawang pagtataboy ng Chinese Navy sa mga Amerikano na tinawag na ‘unsafe at unprofessional’.

Sa pangyayaring ito nakita lamang ang matinding kari­balan sa pagitan ng Washing­ton at Beijing sa South China Sea o WPS.

Ang ganitong insidente ay lalo lamang magpapalala sa hindi na magandang relasyon ng dalawang bansa.

Maituturing na ito’y ‘calculated move’ ng Pentagon subalit makakasa­botahe ito sa ‘confidence buil­ding measure’ ng mga bansa sa rehiyon sa pakikitungo sa China.

Ang ‘trade war’ sa pagitan ng Estados Unidos at China ay dama na. Sapul ang mga maliliit na bansa lalo na sa rehiyon ng Asya tulad ng Pilipinas.

***
Ang insidente ay naganap habang ang mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN at China ay halos patapos na sa pag-uusap kaugnay sa Declaration of Code of Conduct sa South China Sea.

Huwag naman sanang makaapek­to ang insidente sa pag-uusap. Ang ‘code of conduct’ sa SCS ay napakahalaga dahil ito ang magtatakda sa pagkilos ng mga bansang kasapi ng Asean at China kasama na ang ibang bansa tulad ng Estados Unidos.

Hindi na dapat pang maulit ang insidente. Kapag nangyari ulit, baka hindi lamang palitan ng mga matatalas na pahayag ang paka­walan ng magkabilang panig.

Sa halip na ‘megaphone’ ang naka­u­mang, nakatutok na ang mga kanyon, armado ng missile.

Kaunting pagkakamali at miskalkulasyon, malamang na humantong sa digmaan.

Hindi maganda ito para sa Pilipinas na tiyak masasangkot sa ayaw at sa gusto ng mga Pilipino.

Dahil sa Enhance Defense Cooperation Agreement o EDCA sa Estados Unidos potensiyal na target ng mga ‘Chinese missile’ ang maraming lugar sa Pilipinas na mayroon presensiya ng mga sundalong kano at gamit militar.

Muli na naman mauulit ang karanasan ng mga Pinoy sa mga noong World War 2 nadamay sa gulo dahil sa mga Kano.

Sa giyera walang panalo, lahat talo, maliban sa mga nagbebenta ng armas para magkagulo.