Sa gitna ng MECQ, GCQ! Nahawa sa COVID lagpas 12K!

Sa gitna ng ipinatutupad na Modified Enhanced Community Quarantine(MECQ) at General Community Quarantine(GCQ) lumagpas na sa 12,000 ang nagpositibo sa Coronavirus disease 2019(COVID-19) hanggang kahapon.

Ito ay matapos na madagdagan pa ng 214 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas, sa nakalipas lamang na magdamag.

Sa huling datos na inilabas ng Department of Health (DOH), nabatid na dahil sa mga naturang bagong kaso, umabot na sa 12,305 ang mga tinamaan ng nakakahawang sakit sa buong bansa hanggang alas- 4:00 ng hapon, ng Mayo 16.

Ayon sa DOH, sa 214 na bagong kaso, 147 o 69 porsyento ay naitala sa National Capital Region (NCR) habang 67 o 31 porsyento ay mula naman sa iba pang rehiyon.

Nasa 11 pasyente naman ang bagong nasawi sa sakit, kaya ang COVID-19 related death ay 817 na sa kabuuan.

Kaugnay nito, nasa 101 namang pasyente pa ang bagong gumaling sa virus para sa total recoveries sa COVID-19 sa Pilipinas na 2,561. (Juliet de Loza-Cudia)