Hindi maikakailang matindi ang pagkahu­maling nating mga Pilipino sa iba’t ibang uri ng paligsahan.

Kung sports ang pag-uusapan, bida ang basketbol. Aminin natin – maraming instant basketbol court sa lansangan. Wala tayong paki kahit ipuwesto ito sa masikip na daan o tawiran.

Aba siyempre, hindi rin magpapahuli ang boxing lalo pa’t muling pinatunayan ng ating Pambansang Kamao na si ­Senador Manny Pacquiao ang angking galing nang talunin niya ang kalabang si Adrien Broner.

Para naman sa mga nahuhumaling sa beauty contest, ang taunang Miss Universe ang isa sa mga inaabangan. Talagang tumatak ang “lava walk” ni Miss Universe 2018 Catriona Gray sa buong mundo dahil hanggang ngayo’y pauli-ulit pa ring nai-she-share sa ­social media ang kanyang pagrampa noong kompetisyon. Isang magandang pambungad din para sa 2019 ang pagkakasungkit naman ni Karen Gallman ng korona para sa Miss Intercontinental 2018 ­nitong January 27.

Batay sa mga pag-aaral, nagsimula ang paligsahan at kompetisyon noong 776 BC sa pamamagitan ng ancient Greek Olympic Games. Nakatutuwa lang isipin na sa ngayo’y ramdam pa rin ang kakaibang suporta sa sports at mas napalawig pa ang mga uri ng kompetisyon sa iba pang larangan gaya na lang ng martial arts, weightlifting, triathlon at iba pa.

Ang sa akin lang, ang kompetisyon o paligsahan ay hindi lang dapat umiral sa sports. Mas mainam kung maging mga negosyo ay sumabak din sa kompetisyon. Ang eksena – dapat pagalingan sa kalidad ng produkto at pababaan sa presyo ng serbisyo. Kapag malusog ang kultura ng kompetisyon sa merkado, consumer at mamimili ang panalo.

Sa gobyerno, may bagong manlalaro. May bagong ahensya – ang Philippine Competition Commission (PCC). Pag­lilinaw lang ha, walang kinalaman sa sports ang mandato ng PCC. Sa halip, mandato nitong bantayan at palawigin ang kompetisyon sa merkado at mga industriya para maging patas ang labanan ng mga negosyo – malaki man o maliit. Nitong Pebrero 2016 lang nabuo ang komisyon.

Malawak ang saklaw ng kapangyarihan ng PCC. Iba-ibang industriya ang sakop nito gaya ng telco, manufacturing, agrikultura maging ang mga malalaking negosyong gustong mag-merge o magsanib-puwersa sa ibang kompanya.

Bahagi ng puwede at kaya nitong gawin, batay na rin sa batas ay ang pagbuwag sa cartel at paghinto ng price fixing. Maaari rin ito magrekomenda sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na baguhin o irebisa ang mga panuntunan nila para maging pabor sa kompetisyon ang kalakaran.

Ang mga kompanyang mapatutunayang nagsa­sabwatan o nagmamani­pula ng mga presyo ma­ging resulta ng bidding ay maaaring patawan ng multa na P100 mil­yon para sa first offense at maaaring umabot sa P250 milyon at pagkakakulong nang hindi bababa sa 2 taon.

May paraan na rin para magsumbong ang mga miyembro ng kartel para maabsuwelto sa asunto sa pamamagitan ng pagtawag sa 771- 7772 o pag-email sa leniency@phcc.gov.ph. Kapag may kompetisyon sa merkado, ang consumer ang panalo!