Sa Makati uli: 31 dayuhang pokpok, 11 therapist biningwit

Sinalakay ng pinagsanib na puwer­sa ng mga tauhan ng Women and Children Protection Center (WCPC) ng Camp Crame, Station Investigation and Detective Section (SIDS) ng Makati City Police at Makati Social Welfare Section ang isang hotel na umano’y ginagawang prostitution den sa Makati City nitong Huwebes ng gabi.

Sa report ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, na-rescue ang 18 babaeng Chinese national, isang Korean, 1 Vietnamese at 11 Pilipinang massage therapist matapos salakayin ang 88 Hotel sa Guerrero St., Brgy. Poblacion ng nasabing lungsod, alas-10:50 ng gabi.

Walong Chinese national naman na pawang mga customer ang inaresto.
Sa ulat, una nang nakatanggap ng impormasyon ang WCPC ukol sa prostitusyon sa isang massage parlor.

Matapos makumpirma ang ulat, agad nakipag-ugnayan sa Makati City Police ang WCPC at ikinasa ang operasyon.

Dito na nabisto ang prostitution den at na-rescue ang mga nabanggit na bayarang dayuhan.

Sa ikalawang palapag ng gusali naman natagpuan at nasagip ang 11 massage therapist.

Narekober sa lugar ang ilang gamit gaya ng condom at nasagip din sa loob ng room 206 ang isang babae habang katalik ang kanyang customer.

Ang pito pang Chinese national na mga kostumer ay naabutan sa mga kuwarto.
Patuloy ngayong inaalam ng pulis­ya kung sino ang may-ari ng hotel at posibleng masampahan ng kaukulang kaso. (Armida Rico)