Matutupad na ang pinakahihintay ng iba nating mga kababayan, maliban sa Metro Manila at ibang lugar gaya ng Laguna at Cebu City, ngayong darating na linggo. Magiging GCQ o general community quarantine ang mga lugar na dating nasa ECQ o enhanced community quarantine, mayroon pa ngang mga lugar na NCQ o no community quarantine na. Marami na ang excited lumabas ng kanikanilang tahanan at makabalik sa trabaho. Paulit ulit nadidinig ang magsuot ng mask, maghugas ng kamay at magdisinfect at ang social distancing. Ngunit ang tanong sa atin ay papaano natin mapoprotektahan ang mga mahal natin sa buhay at pananatiliing safe ang ating tahanan sa sakit kung hindi natin alam kung ang mga nakasalamuha natin sa maghapon ay may sakit, lalong lalo na ng Covid19.
Alalahanin natin na dahil hindi natin nakikita ang Covid19 at hindi natin basta basta masasabi kung sino ang may sakit nito, itrato natin na lahat ay may posibilidad na maging carrier at kailangang laging madisinfect ang mga bagay bagay na ginagamit natin pati na ang paligid natin. Kung tayo’y pauwi na, wag tayong magmadaling pumasok, bumati at mahiga ng ganun ganon na lang. Sundin ang mga sumusunod upang makasiguro na mabawasan natin ang panganib na maiuwi natin ang coronavirus.
Paguwi natin:
1. Huwag muna humawak ng maski anong bagay, magpaabiso upang hindi tayo ang magbukas at humawak sa gate, pintuan, o doorknob.
2. Alisin ang sapatos at isantabi, mas mainam kung mawisikan ng disinfectant muna.
3. Kung may kasamang alagang aso o pusa ay siguraduhing ang mga paa nila ay nadisinfect din.
4. Ang panlabas na damit ay tanggalin at ihiwalay ng lalagyan.
5. Ang mga bagay tulad ng bag, susi, portamoneda o anumang gamit ay ilagay sa isang kahon sa may bukana pagpasok ng bahay. Itapon ang mga ibang mga papel kung di kailangan gaya ng resibo
6. Diretsong maligo, kung hindi kaya hugasan ang lahat ng bahagi ng katawan na hindi natakpan ng damit.
7. Ang ibang bagay tulad ng cell phones at salamin ay idisinfect din.
8. Kung may mga dalang iba pang gamit o pasalubong, linisin muna ito bago ibigay o itago, kung may guwantes, mas mainam na gumamit nito.
9. Ang mga guwantes na gagamitin ay maingat na tanggalin at itapon ng maayos at maghugas ng kamay muli pagkatapos.
10. Laging alalahanin, imposible talagang makagawa ng total disinfection, ngunit ang pakay natin ay mabawasan ang panganib na tayo ay mahawa at makahawa at panatag na mayakap ang mga mahal mo sa buhay.
Sa panahon na manunumbalik na tayo sa ating mga naiwang mga gawain at trabaho, mas mabuti nang maging kaunting paranoid dahil maaaring ito ang sumalba sa atin sa kalabang hindi nakikita.
Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe!
J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.