Sa wakas, sa dinami-dami ng mga luma­labas na suwestiyon at planong gawin sa Edsa para malutas ang nakaka-high blood na problema sa trapik, may naglatag na ng mungkahi kung papaano ito wawakasan.

Sa totoo lang, sabi ng isa nating kurimaw na natuto nang umihi nang nakaupo sa kaniyang auto dahil sa trapik, puro mga band aid solution lang ang nababasa at nadidinig niya sa mga balita tungkol sa mga planong ipatupad sa Edsa.

Kabilang sa mga mungkahing naibalita na mga eh ipagbawal ang pagdaan sa Edsa ng private cars na isa lang ang sakay, ipagbawal sa Edsa ang mga private cars sa rush hours, ipagbawal sa Edsa ang mga provincial bus, may lane diet pa na dadamihan ang linya sa Edsa, may nagpayo pang gawing one-way ang Edsa, at kung anu-ano pa.

Pero kung iisipin, ang sinasabi ng MMDA na dahilan ng trapik sa Edsa ay ang sobrang dami na ng sasakyan. Aba’y imposible naman na mabawasan pa ang mga yan o padaanin sila sa ibang lugar na trapik din at baka maligaw pa ang motorista. Bukod doon, tiyak na may grupo na aangal kapag pinagbawalan silang makipagsiksikan sa trapik.

Ganyan nga ang nangyari nang planong ipagbawal sa Edsa ang mga provincial bus kaya umabot ang isyu sa korte at kinampihan ng hukom ang grupo ng mga bus kaya ‘di rin natuloy ang plano. May mga naghimutok pa nga na bakit daw ang mga commuter ang dapat na magdusa at pahirapan sa paghahanap ng paraan para mapaluwag ang Edsa.

Dahil volume nga naman ang problema sa Edsa, at tiyak na dadami pa ang magkakaroon ng sasakyan dahil sa mga promong “no down payment” ng mga auto dealer, ang lohikal na solusyon sa problema—dagdagan ng kalye.

Kaya naman napa­ngiti na parang nakaihi na may kasamang kilig ang isa nating kurimaw nang mabalitaan niya ang mungkahi ng San Miguel ­Corporation (SMC) ni Ramon Ang, na magtayo ng ­elevated expressway sa EDSA.

Hindi pa sinasabi ang buong plano pero may kabuuang 10 lanes o tig-limang ­magkakasalubong ang elevated highway na lalagyan ng toll o ­bayad.

May haba itong 23.8 kilometers na mula Caloocan ­hanggang Pasay City.

Ang mga ayaw ­matrapik at may pambayad ng toll, ­puwedeng dumaan sa eleva­ted highway. Magkakaroon din ng linya para sa mga pampasaherong sasakyan kaya mababawasan din ang mga bus na bibiyahe sa ibaba.

Aba’y hindi na rin makikipagsisikan sa trapik ang mga ambulansiya dahil pwede na silang “lumipad” sa elevated highway. Pero siyempre, ibang ­usapan pa rin ang ­trapik paglabas nila sa Edsa, bagay na dapat na ayusin din kapag nagawa na proyektong ito ng SMC.

Kung aaprubahan, may dahilan na siguro ang gobyerno para humingi ng emergency power sa Kongreso para mabilis na matapos ang proyekto na tinatayang tatagal ang konstruksyon ng dalawa hanggang tatlong taon.

Tiyak na dagdag trapik ito kapag ginea pero may maganda namang dulot pagkatapos. Tutal trapik din naman, ika nga nila: why not choknut? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”