Sa wakas nakamit namin ang hustisya — Vargas

Labis na ikinatuwa ni Association of Boxing Alliances in the Philippines president Victorico Vargas ang paghatol ng korte pabor sa kanya sa kaso ng eleksyon sa Philippine Olympic Committee noong Nobyembre 25, 2016.

Ibinaba kahapon ni Judge Ma. Gracia A. Cadiz-Casaclang ng Regional Trial Court Pasig City Branch 155 ang pagpapawalang bisa sa halalan para sa chairman at president ng organisasyon, kailangang mag-eleksyon uli sa Peb. 23, 2018 at dapat isama sa kandidato bilang presidente at tagapangulo sina Vargas at Integrated Cycling Federation of the Philippines pres. Abraham Tolentino.

“Finally we have obtained justice,” nakahingang maluwag, malaman pero matipid lang na reaksyon ni Vargas. “Thank you all!”

Diniskuwalipika sina Vargas at Tolentino sa pagtakbo sa nasabing mga posisyon ng POC election committee upang masigurado ang panalo ni Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. sa panguluhan na pang-apat na niyang termino sapul noong 2004, at ang kanyang manok na si Triathlon Association of the Philippines secretary general Tomas Carrasco, Jr. para sa chairmanship.

Pero kalauna’y inalis ni Cojuangco ang puwestong chair sa POC at binigyan ng katungkulan si Carrasco na special assistant to the president.

Mga alipores ni Cojuangco ang nasa POC election committee na sina dating International Olympic Committee representative to the Philippines na si Francisco Elizalde, Abono party-list Rep. Conrado Estrella III at Bernard Oca ng De La Salle University.

Napatunayan ng korte na nagmalabis ang Election Committee sa binigay ritong awtoridad ni Cojuangco.