Maraming katanungan ang lumulutang kung saan ba galing ang milyun-mil­yong halaga ng salapi na na-recover ng mga miyembro ng Philippine Marines sa Marawi City.

Mantakin ninyong halos 80 milyon pisong halaga ng cash at tseke ang natagpuan?

Nakuha umano ang nasabing pera sa inabandonang machine gun post ng Maute group. Nadiskubre ito sa isinagawa nilang clearing operations malapit sa Mapandi bridge.

Hawak na ng Philippine Marines ang pera at tseke sa Joint Task Force Marawi para sa safekee­ping. Agad namang tiniyak ni AFP chief of staff General Eduardo Año ang pagsasailalim sa inventory sa nasabing malaking halaga ng pera.

Aminado ito na maging siya ay nagtataka kung saan nanggaling ang pera. Narekober kasi ang pera kung saan doon nagtago ang miyembro ng Maute at ang machine gun.

Pinaiimbestigahan din niya kung talagang mula ito sa Maute group o sa lehitimong negos­yante na nakatira sa lugar.

May mga nagdududa kung galing ba talaga ito sa Maute, kaya ang tanong nila, bakit iiwanan ito ng mga bandidong grupo samantalang hindi pa naman sila nasusukol ng mga tropa ng pamahalaan?

Aminado naman ang military na may dalawang linggo nang namamalagi mula ng umatake ang Maute group sa lungsod ng Marawi.

Teka nga. May kaugnayan kaya dito ang expose ni ACT-OFW Rep. Aniceto Bertiz III? Matatandaang hiniling ng mga miyembro ng House minority bloc sa Anti-Money Laundering Council na buksan ang bank accounts ng recruitment agency na posibleng nagpondo umano sa Maute group.

Sinabi ni Bertiz na dapat gamitin ng AMLC ang kanilang National security expertise upang mahabol ang mga kompanya na pumopondo sa mga teroristang grupo.

Binanggit ni Bertiz ang Winston Q8 Certification Solutions Inc., na dinaraanan ng mga overseas Filipino worker bago makapagtrabaho sa Kuwait.

Pagmamay-ari umano ang kompanya ni Kuwaiti Husayn Al-Dhafiri at misis nitong si Syrian Rahaf Zina na inaresto noong Marso dahil sa terorismo.

Ibinunyag pa ni Bertiz na kumikita ang Winston Q8 ng P9 milyon kada araw kaya maaaring uma­bot na sa P1 bilyon ang kinita nito mula sa siningil sa mga OFW.

May koneksyon nga kaya ito sa limpak-limpak na perang nadiskubre? Saan at kanino naman kaya mapupunta ang nabawing pera? May nagpapanukala na bahagi ng salaping ito ay ibigay sa pamilya ng mga sundalo at sibilyang namatay sa bakbakan.

One Response

  1. Dapat bukod sa mga pamilya ng mga nasawing sundalo at pulis ito na din ang gamitin sa rehabilitasyon ng Marawi at pagpapagawa ng mga bahay ng mga kababayan natin at dagdagan na lang ng pamahalaan.