Saan ka pa?

Kasuwerte ng mga mahihirap na pamilyang Filipino dahil hindi na nila poproblemahin ang kanilang bigas kada buwan simula sa susunod na taon dahil ililibre na sila rito ng gobyerno.

Ewan ko kung ano ang magiging reaksyon ng mga middle class na siyang pinanggalingan ng mala­king parte ng buwis para may magastos ang gobyerno sa kanilang operasyon kasama na ang Conditional­ Cash Transfer program.

Mantakin mo, hindi na kailangang maghanapbuhay ang mga mahihirap na pamilyang Filipino dahil bukod sa P1,400 na nata­tanggap nilang pera sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kada buwan ay mayroon pa silang makukuhang 25 kilos ng bigas kada buwan.

Saan ka pa, libre na ang pambili ng ulam, mayroon pang bigas kaya buhay na buhay na sila kahit hindi na sila magbanat ng buto para lang sila may makain dahil para silang baby kung ala­gaan ng gobyerno.

Kawawa naman ang mga nagbabayad ng buwis na wala man lang nakikitang pag-asa na kahit papaano ay mabawasan man lang ang kanilang ­income tax na sa ayaw at sa gusto­ nila ay kailangan nilang bayaran dahil awtomatikong kinakaltas ito sa kanilang suweldo.

Hanggang ngayon,­ hanggang panukala pa ­lamang ang pagbabawas sa income tax ng mga manggagawang Filipino na nagbabayad ng 32% na income tax at ang kanilang take home pay ay mababawasan pa kapag ibinili nila dahil sa 12% Value Added Tax (VAT).

Matindi ang sakripisyo ngayon para lang makapasok sa trabaho dahil sa problema sa trapiko, problema sa baha at kung anu-ano pang problema para lang may maibayad na buwis pero hindi inaalagaan ng gobyerno.

Habang ang mga mahihirap na pamilya ay ­alagang-alaga ng gobyerno­ kaya naaalala ko tuloy ang sabi ng isang mayor sa amin sa Cagayan na dahil sa CCT na ‘yan, maraming­ tao ngayon ang walang balak­ magbanat ng buto.

Maraming CCT beneficiaries daw kasi ang hindi­ puwedeng pagalitan sa kanilang trabaho kapag nagkamali sila dahil kapag ginawa ‘yan ng employer nila lalayas sila dahil ang katuwiran daw, kahit wala silang trabaho mabubuhay sila sa CCT.

Pero palagay ko, marami naman sa mga mahihirap na pamilya ang hanggang diyan na lang ang gusto nilang buhay dahil kahit papaano ay mayroon naman silang pangarap sa buhay.

Kaso lang, wala silang makuhang oportunidad dahil wala silang mapasukang trabaho. Wala kasing ginagawa ang gobyerno para mabigyan sila ng trabaho na mas malaki ang kikitain kesa sa P1,400 na natatanggap nila sa CCT.

Wala akong nakita sa 2017 national budget na pondo para magtayo ang industriya na papasukan ng mga mahihirap na pamil­ya para magkaroon sila ng ­regular na kita at nang ­hindi umasa sa CCT.

Kung ang P78 billion na pondo sa CCT sa 2017, ay gamitin para magtayo ang gobyerno ng mga pabrika, ng mga industriya tulad ng bakal dahil marami naman tayong raw materials diyan,­ eh baka may mapasukan ang mga kababayan nating walang trabaho.

Kaso iba ang prayoridad ng gobyerno, kahit sino yata ang nakaupo sa Palasyo ng Malacañang. Walang vision ang mga economic mana­gers. Hay naku!!!! (dpa_btaguinod@yahoo.com)