Maituturing palang “epic fail” ang planong pagsasampa ng impeachment complaint ng mga kritiko ni Vice President Leni Robredo.
Noong Martes, buong pagmamalaki pa nilang inanunsiyo ang oras ng pagsasampa nila ng impeachment complaint laban sa bise presidente.
Iyon pala, sa halip na malaking pasabog ang nangyari ay napakalaking kahihiyan lang ang inabot ng mga nagsusulong ng impeachment, na pareho pa namang abogado.
Para umusad ang impeachment complaint na ihahain ng isang pribadong tao, dapat itong iindorso ng isang kongresista.
Sa kasong ito, wala pa palang endorser na kongresista ang impeachment complaint na kanilang ibinabalandra.
Kaya naisip ng mga ito na ilagay ang pangalan ng kongresista na bibigyan nila ng kopya ng impeachment complaint sa dokumento.
May isang kongresista – si PBA Partylist Rep. Jericho Nograles – ang pumalag sa ginawa ng grupong ito.
Kinuwestiyon ni Nograles ang paglagay ng kanyang pangalan sa kopya ng impeachment complaint nang wala siyang pahintulot. Itinanggi rin niya na may kinalaman siya sa pagsasampa ng impeachment complaint laban sa bise presidente.
Nagbanta pa si Nograles na ipapa-disbar ang mga abogadong naglagay ng kanyang pangalan sa kopya ng impeachment complaint. Pero tila nahimasmasan si Nograles at tila meron nangialam kaya’t nag-about face kinabukasan.
Sa pangyayaring ito, lumitaw ang katotohanan na walang kongresista ang gustong mag-endorso ng kanilang impeachment complaint dahil alam nilang walang kuwenta at walang basehan ang akusasyong ibinabato nila kay VP Robredo.
Ang malinaw lang, sadyang inu-operate si VP Robredo at meron ibang kamay ang gumagalaw — sino aber ang makikinabang, hindi ba’t ang talunang si Bongbong Marcos?
Kung hindi man ang anak ng diktador dahil mahabang proseso ang election protest at ibabatay sa legalidad, maaring maghanap ng ipapalit ang palasyo pero ang ending si Marcos pa rin dahil “BFF” ng kasalukuyang administrasyon.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)