Lalo pang nadiin sa kontrobersiya ang National­ Printing Office (NPO), isang tanggapan na nasa ilalim ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar.

Pinunit daw kasi ng NPO employee na nagngangalang Marlyn ang work envelop­ number 08-2016-3877 ng Western Visayas Printing Corporation (WVPC) na naunang binigyan ng P74-million contract para sa pag-imprenta sa contribution payment forms ng Social Security System (SSS).

Nabalot ng kontrobersiya ang pag-award ng kontrata sa WVPC kasi bukod sa kanya, binigyan din ng kontrata ang tatlong iba pang contractors na Best Forms security printer na may envelope no. 08-2016-3877A para sa 395,000 pads ng SSS accountable forms na nagkakahalaga ng mahigit sa P34 ­million; Tri-Print Work na may work order na 08-2016-3877B para sa 200,000 pads na may halagang P17 ­million; at ­Metro Color company na may work ­order no. 08-2016-38777C para sa 175,000 SSS pads na may halaga namang P15 million.

Pansinin n’yong mabuti ang kanilang work ­order number. May letra silang A, B at C. Ang buong ­akala ng boss ni Marlyn, malulusutan na nila ang pagwasak sa ebidensiya. Ang hindi nila alam, may ­received copy ang WVPC, bagay na lalong ­nagdiin sa sinumang sangkot sa P74 milyong anomalya sa NPO. ­Magsilbing babala sana ito kay ­Andanar ­dahil hindi pa man umiinit ang puwet ng bata ­nitong si NPO Bids and Awards Committee (BAC) ­Chairman Sherwin Castaneda ay naisyuhan agad ito ng ­kontrobersiya.

Ang unang tanong na dapat gawin ni Sec. Martin ay alamin kung paanong nagkaroon ng apat na kontratista para lamang sa nag-iisang SSS project? Sino si Ruben na nagmaniobra nito at sino ang nag-utos kay Ruben? Itong si Ruben ang itinuturo rin ni Marlyn na nag-utos sa kanya para punitin ang ebidensiya.

Sino ba talaga sina Rachel at Paul? Bakit sila ­humihingi ng P5-million goodwill money sa mga ­accredited printers at para kanino ang nasabing ­halaga?

Maraming katanungan ang umiikot, Sec. Martin. Mga katanungang ikaw ang dapat unang makaalam ng sagot. Kasi ang tingin ko rito, kung hindi nila iniinsulto ang kakayahan at kagalingan mo, ­ginagawa ka nilang tanga! Hindi ka naman tanga, ‘di ba?

***

Isa pang sablay itong si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate nang maghain ng resolusyon upang imbestigahan ang umano’y midnight deals ng affiliated generation companies ng Meralco at ng ERC. Binanggit pa sa resolusyon ni Zarate na dahil sa umano’y “questionable and corruption-laden­ transactions sa ERC, nagresulta ito sa pagpapakamatay ni ERC Director Francisco Villa noong Nobyembre 9.

Agad na umalma rito si ERC chair Vicente B. Salazar dahil sa wala namang kinalaman si Villa­ sa evaluation ng application for permits and approvals­ ng ­power supply agreements (PSAs) ng distribution­­ ­utilities/electric cooperatives at generation­ companies.­

Ang sa akin lang, bago dapat gumawa ng mga ­ganitong resolusyon mag-research muna si Zarate nang mabuti. Hindi ‘yung tira nang tira para makaepal.­ Pati ang nagpakamatay na si Villa at ang nagdadalamhating pamilya niya ay dinadawit niya sa kanyang sariling agenda. Ni wala sa suicide note ni Villa ang Meralco at ‘yang pinipilit niyang midnight deal ­kuno. Anong batayan niya?

Wala sa trabaho ni Villa ang case ng Meralco. Sa BAC lang ang trabaho ni Villa. Huwag sanang gamitin ni Zarate ang pagkamatay ni Villa para sa militanteng agenda niya to bring down big business. At huwag din niyang gamitin ang trahedyang ito para maghasik ng kalituhan at itulak ang sosyalismo.