May sablay ang protocol officials ng Palasyo ng Malacañang nang iharap kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pinalayang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad sa Davao City.

Alam niyo ang sablay? Pinayagan na magsalita si Sekkingstad sa podium na may sagisag ng Pangulo ng Pilipinas na kitang-kita sa mga live telecast ng mga television stations.

Mahigpit na ipinagbabawal ang may magsalita mali­ban sa Pangulo ng Pilipinas sa podium na may sagisag­ ng Pangulo ng Pilipinas. Kahit ang mga matataas na opisyales ng pamahalaan, kahit ang Senate President, Speaker of the House at kahit ang Executive Secretary ay hindi puwedeng magsalita sa podium na may tatak ang tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas.

Agad napansin ng mga netizens ang bagay na ito at sa mga larawan na lumabas matapos mapuna ay wala na ang sagisag ng Pangulo ng Pilipinas sa podium­ kung saan nagbibigay ng statement si Sekkingstad (mabuti­ naman).

Sa susunod, sana maging maingat ang mga protocol­ officers ng Palasyo ng Malacañang para hindi na ito maulit dahil walang puwedeng gumamit sa podium­ na may sagisag ng Pangulo ng Pilipinas kundi ang ­Pangulo lamang.

Kahit sa ibang bansa ay hindi ito pinapayagan na may magsalita sa podium na ginagamit ng kanilang Pangulo dahil bawal na bawal ito.

Wala akong sinisisi rito kundi ang mga protocol­ ­officials dahil trabaho nila ito na siguraduhing masunod­ ang protocol at dapat silang mag-ingat dahil sa ­panahon ngayon, madaling mairekord ang kanilang pagkakamali.

Oo nga pala, congrats sa mga nagtulung-tulong para mapalaya si Sekkingstad at sana lahat na ng mga hostage ng Abu Sayyaf Group kung mayroon pa eh mapalaya na rin sa lalong madaling panahon.

***

Hindi na ako magtataka na balang araw ay walang maglalakas-loob na mamamayan ang kumanta o maging­ state witness sa mga katiwalian sa gobyerno dahil baka mapariwara rin ang kanilang buhay.

Ilan na ba ang mga state witness ang naging problemado matapos tumayong saksi sa katiwaliang alam ­niyang nangyari sa gobyerno? Hindi na ako magdede­talye kung sino ang mga nasira ang buhay matapos maging­ state witness maliban kay Rodolfo ‘Jun’ Lozada Jr.

Sumaksi si Jun Lozada sa umano’y anomalya sa NBN-ZTE broadband deal scam pero matapos ang anim na taon ay naabsuwelto ang mga kinasuhan sa anomal­yang ito na sina dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, mister nitong si Atty. Mike Arroyo, dating Commission on Elections ­(Comelec) chairman Benjamin Abalos at dating NEDA chief Romulo Neri.

Wala nang problema ang mga akusadong na-­implicate sa nasabing kaso na tinayuan ni Lozada ­bilang state witness pero siya, nasentensyahan siya ng anim hanggang 10 taon sa ibang kaso.

Kung ganito ang mangyayari sa mga state witness eh wala nang magsasalita dahil wala silang immunity­ sa kaso kapalit ng lakas ng loob nilang tumestigo sa anomalyang alam nila.

Hindi ko alam kung ano ang mangyayari rin kay Edgar Matobato pagkatapos niyang magsalita ukol sa pagpatay daw ng kanyang grupong Davao Death Squad (DDS) na inuutos daw, ayon sa kanya, ng noo’y Ma­yor ng lungsod na si Pangulong Duterte.

(dpa_btagui­nod@yahoo.com)

One Response

  1. GMA is now siding with D30, so walang gagalaw dyan, nakaka pang inayang lang ang mga taong ganyan ay naka upo pa at patuloy na tinatangkilik ng tao at ng gobyernong kakampi nila, sana lahat ng may kaso kakampi man o kalaban alisin muna sa pwesto o bawal ng tumakbo, napawalang sala man sila yun at dahil sa mahina ebidensya not because they are innocent