Sabong ‘kristo’ sa Ilocos napaos

Sa ngayon tigil muna sa pagki-kristo sa sabu­ngan ang mga sabungero dahil sa No Sabong Nationwide na memorandum na ibinaba ng Phili­ppine National Police (PNP).

Kahit tanging pagki-kristo lang ang pinagkakatiaan para buhayin ang pamilya ay nagawa pang magbiro ni Albert Guerrero sa parteng Ilocos Sur.

“Mabuti na rin iyong nangyari kahit paano ay makakapagpahinga rin itong boses ko, medyo paos na at hindi na kayang­ sumigaw,” naka­ngiting sabi ni Guerrero na 40 taon nang kristo.

Inamin na malaking kawalan sa kanya ang pagtigil ng sabong pero hindi naman ito nagagalit dahil para sa kapakanan naman nila ang nasabing memo ng PNP sa lahat ng mga sabungan.

“Bale concentrate muna tayo sa pag-aalaga ng manok, kasi nagko-commercial din ako, nagbi-breed ako para magbenta sana magkaroon ako ng buyer kahit dalawang manok lang ang maibenta ko sakto na iyon para sa isang buwan,” hayag ni Guerrero.

Noong Sabado ay halos natigil na ang mga pasabong, hindi na nag-operate ang mga sabu­ngan sa Maynila tulad ng Pasay Cockpit, Mandaluyong Cockpit, San Juan Coliseum Cockpit at iba pa. (Elech Dawa)