Pumirma ng kasunduan kahapon ang Department of Agriculture (DA) at Philippine Competition Commission (PCC) para sa pagtutulungan at mas masusing mabantayan ang pagsasabwatan sa sektor ng agrikultura.

Nilagdaan nina Agriculture Secretary William Dar at PCC Chairman Arsenio Balisacan kahapon ang isang memorandum of agreement para sa mas matibay na coordination at mutual advisory assistance sa isyu ng kompetisyon sa agrikultura na mahalaga para sa mga consumer.

Sabi ni Balisacan, mahalagang hakbang ito para matulungan at masuportahan ng PCC ang DA sa pagbabantay sa merkado dahil apek­tado nito ang presyo at produksyon.

Kamakailan, sinabi ng DA na maaaring sinasamantala ng ilang importer at trader ang presyo ng bigas kaya hindi pa ito bumababa habang bumubulusok naman ang presyo ng palay at marami ang nagsususpetsa na nagsasabwatan ang mga ito.

Bukod sa pagpapalitan ng kaalaman, maaari ring magtulungan ang DA at PCC para sa mga imbestigasyon at pagpapatupad ng batas, at magbuo ng fact-finding body para usisain ang sektor ng agrikultura. (Eileen Mencias)