Aminin natin mga tropapips pero mas marami tiyak na mga nanay ang nangangarag ngayon sa kakaisip kung ipapa-enrol ba nila ang kanilang mga anak sa paaralan ngayong taon kahit wala pang bakuna o gamot na nadidiskubre kontra sa virus na COVID-19 na galing sa China.

Sabi ng ilang nating kurimaw, tila mas mahirap ang magiging sitwasyon ng mga batang mag-aaral sa elementarya sa panahong ito ng pandemic, lalo na ang mga nasa pambublikong paaralan. Alam naman natin ang kalikutan ng mga bata na mahilig maghahawak nang kung ano-ano, at mayroon pang mahilig magsubo ng kamay, o magpahid ng mata.

Sabi ng mga dalubhasa, bukod sa droplets o talsik ng laway, maaaring makuha ang virus sa bagay o lugar na nahawakan ng infected, at pagkatapos ay nahawakan ng inosente. Kung hindi kaagad naghugas ng kamay ang inosente at naipahid niya ang kamay sa mata o bibig—lagot na dahil maaari nang makapasok ang virus sa katawan.

Bukod sa malilikot, alam naman natin mga tropapips na may mga paaralan na parang bagon ng MRT at LRT na siksikan dahil sa dami ng tao. Kung ang MRT at LRT eh malaking bilang ng pasahero ang lilimitahan para maipatupad ang social o physical distancing, aba’y malamang na malaking bilang din ng mga bata ang mababawas sa mga silid-aralan.

May mga plano na raw ang Department of Education kung papaano isasagawa ang pagtuturo ngayong panahon ng pandemic. May sinasabi silang pinaghalong “new normal” gamit ang internet at pisikal na pagdalo sa klase. Puwede naman siguro na hatiin lang sa bawat araw o linggo ang mga estudyanteng papasok, at ibang usapan din doon sa mga estudyanteng kayang mag-aral sa bahay gamit ang internet.

Ang malaking tanong nga lang—ilan kaya ang mga bata sa mga pampublikong paaralan ang mga computer o laptop sa bahay, at may maayos na internet? Aba’y hindi yata biro ngayon ang pagpapakabit ng wifi na umaabot sa P900 o P1,000 para sa hindi kabilisan ang internet connection.

Kaya ang tiyak na mangyayari, mas marami malamang ang mga magulang na sasabihin na wala silang internet at mapipilitang papasukin ang mga anak. Pero kung ikaw ang magulang, isusugal mo ba ang kaligtasan ng iyung anak lalo pa ngayon na ilang araw na naman na higit sa 300 ang mga bagong COVID-19 cases?

Pagdating naman sa mga mag-aaral sa mga pribadong paaralan, tiyak na marami sa kanila ang kayang mag-home schooling. At ang mga mapipilitang pumasok, malamang ang maging problema eh ang pagbiyahe lalo na kung limitado rin ang mga puwedeng sumakay sa school service.

At dahil malamang na kasama sa new normal ang pagbawas din ng mga pasahero sa jeepney, tricycle, bus, UV express at iba, aba’y malaking pag-a-adjust talaga ang gagawin nina mommy at daddy. Ngunit ang isa pang malaking tanong ng iba nating kurimaw—kailangan na ba talagang magbukas ang klase sa Agosto 24 kahit wala pang gamot vs COVID-19? May hinahabol daw bang biyahe ang DepEd kahit pa nagpahayag si President Mayor Digong Duterte ng kagustuhan na dapat eh no classes hanggat walang COVID vaccine.

Kung wala pa ring klase sa Agosto, malamang na may sahod pa rin naman ang mga guro sa pampublikong paaralan dahil naka-budget naman sa gobyerno ang pondo ngayong 2020. Ang problema ay ang mga guro sa mga pampublikong paaralan dahil nanggagaling sa matrikula ng mga bata ang pampasahod sa kanila.

Bagaman sisimulan na ngayong Hunyo ang enrolment, mayroon pa namang halos tatlong buwan bago ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24. Sana lang eh magdasal nang matindi ang mga malalakas kay Lord na humupa na sana ang COVID-19 cases pagsapit ng pasukan. O kaya naman eh magkatotoo sana si IronMan at pipitikin niya ang “infinity gauntlet” para maglaho na ang COVID-19. Ano pa ang gusto n’yong maglaho. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”