Safer sa krimen sa Metro, totoo pero…

for-the-record-jen-box jeany lacorte

Sang-ayon tayo sa resulta ng Pulse Asia survey na nagsasabing mataas ang approval rating ng National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa pagbaba ng krimeng nangyayari sa Kalakhang Maynila.

Batay sa survey na ginawa ng Pulse Asia mula December 9 hanggang 11, 2016 ay mahigit walo sa bawat sampung residente ng Metro Manila ang naniniwalang mas ligtas sa kani-kanilang mga lugar kumpara noong 2015 o katumbas ng 82% na ­approval rating.

Ramdam ng nakararaming taga-Metro Manila, gayundin ng mga dumadayo rito ang mababang krimen.

Sa totoo lang maari ka na talagang bumiyahe o maglakad kahit dis-oras ng gabi nang hindi ka nahoholdap o nagagawan ng anumang uri ng petty crimes.

Ako personal ay kampante na sa pagsakay sa mga pampasaherong mga sasakyan katulad ng mga UV express at taxi dahil tila naglahong bigla ang mga holdaper.

Hindi katulad dati na tuwing sasakay ka ng UV express at taxi ay nanginginig ang tuhod mo bago ka makarating sa patutunguhan mo dahil hindi ka siguradong makakarating ka ng buhay o ligtas.

Kaya totoo ang resultang ng survey na iyan dahil ako, pamilya ko, mga kaibigan, katrabaho ay ganito rin ang pakiramdam.

Alam nating may kaugnayan ang pagkawala ng mga masasamang-loob na iyan sa kampanya kontra ilegal na droga.

Tama si Pangulong Rodrigo Duterte, magkakaugnay ang kinakaharap nating problema sa krimen kung saan ang puno’t dulo ay ang pagkagumon sa ilegal na droga ng ilan nating mga kababayan.

Magandang pangyayari ito para sa lahat.

Kanya nga lamang kapalit ng pagkawala ng masasamang-loob sa kalsada ay ang patuloy pa ring presensiya ng mga pasaway na mga bus dri­vers na ayaw tumino sa pagmamaneho.

Kaya naman kadalasan ay aatakehin ka sa nerbiyos kung makakasabay mo ang mga pampasaherong mga bus na walang pakialam sa pagpapalipad ng kanilang mga minamanehong kung may madamay sa kanilang kalokohan.

Sana naman ay ma­bigyang-pansin na ito ng pamahalaan dahil salot din silang maituturing sa kalsada na nandadamay ng mga motoristang maayos na bumibiyahe.