Ilang araw na lang ay bisperas na ng Undas.
At gaya ng taon-taong paggunita natin sa mga namayapa nating mahal sa buhay, kailangan din natin ang ibayong pag-iingat at tandaan ang mga dapat gawin at ipinagbabawal sa mga sementeryo.
Sa mga bibisita sa sementeryo, bago umalis ng bahay ay tiyakin ang kaligtasan ‘di lang ng sarili at mga kasama kundi maging ang iiwang bahay. Bukod sa mga ligaw na kaluluwa ay kailangan ding paghandaan ang mga kawatang nananamantala lalo na kung uuwi ng probinsya.
Bukod sa pag-iingat sa mga kawatan, bago dumalaw sa puntod ay tandaan din ang mga sumusunod:
* Alamin kung saan ang entrance at exit ng mga sementeryo. At kung ano’ng oras magbubukas at magsasara ang mga ito.
* Kung kelan ang huling araw nang pagsasaayos o pagpipintura ng mga puntod.
* Iparada ang sasakyan sa tamang paradahan.
* Laging tatandaan na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga armas at patalim gaya ng kutsilyo, ice pick, screw driver, itak atbp.
* Bawal din ang flammable materials gaya ng lighter, thinner, alcohol, gas.
* Bawal magkalat o magsunog ng basura.
* Maging ang mga alagang hayop ay ‘di puwedeng bitbitin sa sementeryo.
* Pati gitara, bluetooth speaker o sound system, baraha at iba pang gamit sa pagsusugal ay ipinagbabawal.
* ‘Di puwede ang alak at iba pang nakalalasing na inumin lalo na ang illegal drugs.
* Magbaon din ng sapat na tubig, pagkain at first aid kit.