Taong 1977 nang huling magkaroon ng major eruption ang bulkang Taal. Ang kuwento ng nanay ko, umabot hanggang Metro Manila ang abo. Pero ang hindi niya malilimutan ay nang sumabog ito noong 1965 nang siya ay nasa high school pa sa Bauan, Batangas. Dalawandaan katao kasi ang namatay noon nang madaling-araw na pagsabog ng bulkan.
Noon, hindi pa uso ang pagbili ng facial masks kapag may pagpatak ng abo at pyroclastic materials mula sa bulkan. Tanging basang bimpo o tela lamang ang kanilang ipinantatakip noon sa ilong at bibig. Nagbabasa rin sila ng kanilang sarili sa poso.
Ngayon, N95 mask na ang inirerekomendang pantakip ng ilong at bibig kapag nagkakaroon ng pagputok ng bulkan. Napi-filter kasi nito ang halos lahat ng maliliit na parte ng abo na may silica o tila buhanging matalas. Kaya naman ito tinawag na N95 ay dahil nahaharangan nito ng 95% ang mga napakaliliit (0.3 micron) test particles.
Importanteng nakatakip ito nang husto sa ilong at bibig at nakalapat ng mabuti sa balat ng magsusuot. Kapag may balbas, maaaring makapasok pa rin ang maliliit na particles sa paligid. Itapon na ito kung hindi ka na makahingang mabuti dahil ang ibig sabihin ay barado na ng mga mapanganib na abo o dumi ang pang-filter nito.
Problema lang kapag nagkaubusan ng N95 mask. Ang pinakaepektibong alternatibo, ayon kay Dr. Tony Leachon, cardiologist, ay maglagay ng dalawang layers ng tissue sa Dura mask o hospital mask bago ito isuot.
Hindi rin para sa lahat ang N95 mask. Kung may problema sa paghinga, lalo na kung may sakit sa puso o baga, konsultahin muna ang doktor kung maaaring magsuot ng N95 mask. Hindi rin ito bagay sa mga bata dahil baka hindi sasakop nang husto sa kanilang maliit na mukha ang mask. Mas mainam na huwag na lang silang palabasin ng bahay.
Iwasan din munang magsuot ng contact lenses. Kapag pumasok kasi sa mata ang abo, maaaring magasgasan nito ang cornea kapag tinanggal na ang contact lens.
Magkapote kung lalabas, lalo na kung umuulan ng abo. Mag-goggles upang maprotektahan ang mga mata lalo na kung malakas ang pag-ulan ng abo.
Magsuot ng damit na may manggas at magpantalon dahil nakakairita rin sa balat ang abong mula sa bukan.
Para naman maiwasan ang aksidente, kung maaari ay huwag munang magbiyahe. Linisin din ang mga alulod ng bahay dahil maaaring mapuno ito ng abo at bumagsak. Ingatan din na huwag mabasa ang abo sa sahig dahil maaaring ikadulas ito. Kung lilinisin, maaaring basain lang ng konti at saka walisin. Puwede ring i-vacuum. At maaari rin namang i-hose para tanggal agad ang dumi.
Takpan din ng basang tela ang mga singit ng pinto at bintana upang maiwasang makapasok ang abo mula sa bulkan.
At kapag ipinanawagan ang evacuation, sumunod agad upang hindi na masakripisyo pa ang buhay.