SAGADA sagad sa Adventure

WHERE do broken hearts go?
Dahil sa dialogue na ito ni Angelica Pa­nganiban sa indie film na “That Thing Called Tadhana”, nag-umpisa nang dumagsa ang mga Pinoy sa Sagada.

Siyempre ayaw magpahuli ng aking kinabibi­langang Tropang Gala, isang grupong mahilig gumala at nangangarap pasyalan ang 81 probinsya ng Pilipinas.
Kasabihan na namin yung “Been there, Done that!” kaya para ma-erase na sa bucket list ang Sagada, agad-agad, taralets bagets, sugod sa Sagada!

Nagrenta kami ng isang van. Presyong kaibigan lang dahil isa sa tropa ang may-ari pero siyempre sa haba ng biyahe mula Maynila pa-Sagada, kakahiya naman na makisakay nang libre. P3,500 per day ang van kasama na ang bayad sa driver. Tapos share-share sa lahat ng magagastos sa gasolina, toll fees, parking fees at driver’s meals.

Sa usual meeting place ng mga biyahero sa McDo sa Quezon Ave­nue-Edsa nag-umpisa ang aming Sagada trip, alas-11:00 ng gabi. Dahil saktong long weekend, may trapik nang kaunti. Pasado alas-kwatro ng madaling-araw ay nasa Baguio na kami at dahil malamig kumain ng goto sa isang paradahan ng mga driver.

Pagkakain ay dumaan kami sa Baguio Cathedral at idinasal na maging ligtas ang aming mahabang biyahe. Hinintay muna naming magbukas ang Good Shepherd Convent at namili ng mga paboritong ubeng halaya, strawberry jam at iba pa bago tumulak pa-Sagada.

Gandang-ganda kami sa mga nadadaanan. Pinatay namin ang air-con ng sasakyan at binuksan ang mga bintana para mas lalo naming ma-appre­ciate ang view. Kung nature lover ka, hindi mapipi­gilang mapa-wow sa ganda ng tanawin lalo na ang tinatawag na mga “sea of clouds” talagang perfect para sa photo ops.

Pag may mga nadadaanan kaming view deck o may kaunting mapaparadahan ng sasakyan, mabilisang baba — group pic, selfie time bago biyahe na uli.

Isang pottery ar­tist habang nagde-demo ng paghuhulma.
Isang pottery ar­tist habang nagde-demo ng paghuhulma.

Literal na makapi­gil hininga ang biyahe sa Halsema Highway. Sa highest point nito na 7,400 feet above sea le­vel, ito na ang opisyal na highest altitude highway sa Pilipinas. May mga pagkakataon, halos ayaw naming magtinginan sa loob ng sasakyan dahil sa nerbyos: bangin sa kanan, bangin sa kaliwa. Isang pagkakamali ng driver ay tapos ang maliligayang araw naming lahat.

Ang Halsema Highway ang itinuturing na most dangerous road sa Pilipinas at habang binabagtas namin ito, walang gustong magsalita. At dahil buwan ng Enero kami bumiyahe, may mga baha­ging sobrang foggy na halos wala nang makita sa daan kaya takot pa more ito para sa amin.

Pasado alas-kwatro ng hapon, dumating na kami sa Sagada. Matapos magparehistro sa tourism office at magbayad ng P35 per person na environmental fees, dumiretso na kami sa isang transient house. Marami nang lokal na resi­dente ang nagpaparenta ng bahay sa mga lokal na turista. P300 per night per person ang rate at dahil dalawang gabi kami (3days/2nights stay) ay P600 per person.

KILTEPAN PEAK –Alas-dos ng madaling- araw ay gising na ang lahat. Sobrang lamig kaya wala nang liguan. Wi­sik-wisik na lang muna. Kami ang unang sasak­yang nag-park sa area pero may ilang tent na nakatayo na nagpapakitang ‘yung iba ay doon na natulog. Medyo umaambon pa kaya kinaba­han na agad kami na hindi magpapakita ang Ha­ring Araw. May nagtitinda doon ng kape, nilagang itlog at noodles kaya kung hindi ka choosy ay hindi ka magugutom.

Dahil taglamig noon, balot na balot kami. Makakapal na jacket, bonnets, shawls para hindi lamigin – iyon ang Kiltepan fashion pag taglamig. Kahit halos puno ng tao ang view­deck, nanunuot sa buto ang lamig.

Pero tulad ng inaasahan, bigo ang lahat na masila­yan ang famous Kiltepan sunrise, wala rin kaming nakitang sea of clouds dahil foggy ang paligid. Alas-sais ng umaga, pack up ang lahat kaya mega trapik palabas.

Maagang trapik palabas sa Kiltepan Peak.
Maagang trapik palabas sa Kiltepan Peak.

ECHO VALLEY, HANGING COFFINS – Pagkatapos mag-breakfast, tumuloy uli kami sa tourist center para kumuha ng serbisyo ng guide. Hindi pinapa­yagang makapasok ang isang turista sa Echo Valley kung walang kasamang guide, P200 lamang ang bayad para sa Echo Valley Tour para sa 10 tao.

Paakyat ng Echo Valley ay dadaanan ang sementeryo sa burol. Nakita rin namin doon ang isang maganda at bagong puntod – isa sa SAF 44. Isinama kami ng guide paakyat ng trail hanggang sa taas ng Echo Valley. Dito ay dinig na dinig ang sigawan ng mga turista. Ini-encourage kami ng guide na sumigaw ng kahit ano.

Echo Valley kasi, kaya dapat daw sumi­gaw para marinig ang echo. Iba’t ibang mensahe ang umaalingaw­ngaw, karamihan ay may kasamang patawa kaya kanya-kanyang isip ng magandang isigaw.

Dito rin ay tanaw na ang hanging coffins. Pero kailangang bumaba ng trail para makalapit sa hanging coffins. Kung medyo mahina ang katawan o matanda na ay talagang may kahirapan na ang pagbaba at pagtaas sa trail para makalapit at makapagpapiktyur sa hanging coffins.

Iyong iba ay pinipili na lamang maghintay sa isang puwesto. Pero mas marami pa rin ang tumutuloy. Sa­yang naman ang napakahabang ibi­niyahe sa Halsema Highway kung hindi makalapit sa hanging coffins.
Bakit nga ba nakasabit ang mga kabaong? Anong isinisimbolo nito?

Sabi ng guide, ang mga Igo­rot ay naniniwalang ang kanilang yumaong mahal sa buhay ay mas nagiging “closer to hea­vens, clo­ser to gods” kung nakasa­bit. Mas mataas na posisyon ng pagkakasabit, mas okey. Hindi na masyadong ginagawa ang ganitong ritwal sa kasalukuyan.

SAGADA POTTERY – Isa pang lugar na binisita namin ang Sagada Pottery, isang simple at maliit na pasi­lidad kung saan ipinapakita ng pottery artist kung paano ang maghulma. Puwede ring perso­nal mong i-try kung paano ito gawin. May P100 donasyon per group para sa pottery-making demonstration. Nag-try mag­hulma ang isa sa mga kasama namin at P100 din ang donasyon. Puwede ring makabili doon ng iba’t ibang finished products bilang souvenir.

SUMAGUING CAVE – Plano pa sana naming puntahan ang Sumaguing Cave pero hindi namin ito nagawa dahil limitado ang aming oras. Bagay ito sa mga tunay na adventurists at mahilig sa tinatawag na spelunking. Hindi na kaka­yanin ng oras namin ang tatlo hanggang apat na oras na trekking. Hindi rin ito advisable sa mga may claustrophobia.

WHERE TO EAT IN SAGADA – Mara­ming popular na kainan sa Sagada, medyo mas mataas lamang ang kanilang presyo. Kabilang sa mga kinainan namin ang Sagada Lemon Pie House, Yoghurt House at Sagada Brew. Dahil dagsa ang mga tao nang bumisita kami, kung saan maluwag kumain ay doon kami pumupunta.

May iba pa sana kaming gustong i-try na kainan pero madalas ay puno at kailangan pa naming maghintay. Sa taong gutom, napakahirap maghintay ng isang oras para makakain.
Kung ang Sagada ay para sa mga broken-hearted, hindi naman ito para sa mga “faint-hear­ted”.

Kung madali kang matakot, kung madali kang mapagod, kung mahilig ka sa gimik at party at bar-hopping, masasabi naming hindi bagay sa iyo ang Sagada.

Pero kung mahilig ka sa adventure, handa sa mga trekking, mountain climbing, mahilig sa photography at totoong nature-lover, ano pang hihinihintay mo? I­pon-ipon na ng pambiyahe, naghihintay ang Sagada para sa iyo!