Dinepensa ni Joan Paraiso-Pomoy, asawa ng doble kara singer na si Marcelito Pomoy, na totoong masama ang pakiramdam ng huli nang sumalang ito sa America’s Got Talent: The Champions.

Sa panayam ni Joan sa Push, sinabi nito na maraming kinaharap na hirap ang kanyang asawa habang shino-shoot ang nasabing talent show.

“Ang dami naming naharap na challenges with this contest. Alam mo naman behind-the-scenes ang daming nangyayari—‘yung sakit na naramdaman niya which is totoo naman ‘yun,” ayon kay Joan.

Aniya pa, hindi naman sila gagawa ng istorya tungkol sa kalagayan ni Pomoy lalo pa’t naging maganda naman ang performance nito sa semifinals.

“Kasi ang daming nagda-doubt kung totoo daw ba na nagkasakit siya. Kasi ‘yung iba ‘yung issue nila baka issue lang daw kasi natalo na,” lahad pa nito.

“Hindi kami gagawa nang ganu’ng story. Plus, the fact na hindi naman siya natalo du’n sa part ng semi-finals. Nakapasok pa nga siya ‘di ba? So why we would make a story like that?”

Sa preliminaries hanggang sa semifinals ay sinabi ni Pomoy sa video presentation bago mag-perform na may sakit siya sa pagsalang sa kompetisyon. (RP)