“Mama… mama… mama.”

Ito na lamang ang mga salitang nasabi ng isang 19-anyos na house boy na waring paghingi ng saklolo sa kanyang ina habang isinusugod sa P­hilippine General Hospital (PGH) makaraang saksakin ng hindi pa matukoy na kasamahan nito sa warehouse na pinagtatrabahuhan, ­kahapon ng umaga­ sa may Legaspi Street, Intramuros,­ Maynila.

Idineklarang dead on arrival (DOA) sa Philippine­ General Hospital (PGH), ang biktimang si Rene Porquez, stay-in sa 471 General Luna St. Intramuros, Maynila.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Jonathan Bautista, ng Manila Police District-homicide section, nangyari ang insidente dakon­g alas-7:16 ng umag­a sa loob ng warehouse ng amo ng biktima na si Jaime­ Lim sa 366 Legaspi St., Intramuros, Maynila.

“Inutusan ‘yung victim­ ng kanyang amo na magpakain ng mga isda sa isang improvised fish pond kung saan nakita sa CCTV na pumasok at nakita ng ilang mekaniko at driver na nakahandusay at duguan,” ayon kay Bautista.

Iniimbestigahan naman­ ng MPD-hs ang 8-katao na nasa loob ng warehouse kabilang ang tatlong mekaniko, tatlong driver at kapwa house boy at kababayan ng biktima.

Tiniyak naman ni Bautista na isa sa mga kasamahan ng biktima na nasa loob ng warehouse ang responsable sa pananaksak dito.

Nabatid na nagtamo­ ang biktima ng anim na saksak sa tiyan at isa sa leeg gamit ang kitchen knife na iniwan pa sa tabi­ nito.

Sa impormasyong ­nakuha, may tatlong buwan­ pa lang ang biktima sa Maynila na dumating noong Hunyo 3 kasama ang dalawang kababayan para mamasukang house boy.

Dinala naman ang bangkay nito sa St. Rich Funeral para sa awtopsiya at safekeeping.