Matapos tayong makaranas ng nakakapaso sa balat na init at napakaalinsangan na panahon, heto at nagpapahiwatig naman ang tag-ulan.

Ayon sa PAGASA, mapapadalas na mararanasan na natin ang thunderstorm. Hudyat na ito ng pagsalubong natin sa rainy season! Sunud-sunod na naman ang pagdating ng mga bagyo. Mapapadalas na naman ang mga pagbaha.

Ganyan nga talaga ang klima sa bansang ating sinilangan, sala sa init, sala sa lamig. Kaya dapat ay matuto na tayong mag-adjust.

Sa panahong ito, maliban sa kinakaharap nating kalamidad ay nariyan din ang posibilidad na tayo’y makaranas ng iba’t ibang sakit na maaari namang maiwasan kung maagapan at magsagawa ng pag-iingat.

Halimbawa nito ay ang cholera, na siyang naulat na dumadami ang kaso sa Pilipinas, ang leptospirosis na kaya nagdudulot ng sakit ay dahil sa tubig-baha, at iba pang mga karamdaman. Ating alamin ang ilang mga hakbang upang makaiwas sa sakit:

Siguraduhing ligtas ang pinagkukuhanan ng tubig. Ang ligtas na tubig ay napakahalaga para sa kalusugan. Tuwing tag-ulan, maaaring maapektuhan ang ating mga pinag-iigiban ng tubig, kaya’t dapat, maging segurista. Ang tubig na hindi tiyak ay dapat huwag ding gamitin na panghugas ng gulay, prutas na kakainin.

Pakuluan ang tubig na hindi sigurado. Kung hindi nakakatiyak sa kalidad ng inyong tubig, pakuluan ang tubig (dapat, kulung-kulo talaga) ng ‘di kukulang na isang minuto. Bago magpakulo ng tubig, maaari ring salain ang tubig, at hayaan itong nasa lalagyan upang mahulog sa ibaba ang mga maliliit na sedimento.

Panatilihing wasto ang pagtapon ng dumi. Ang dumi ng tao ay isang pinagmumulan ng mga mikrobyong nagdadala ng cholera at iba pang sakit. Maaaring hindi ito problema para sa iba, ngunit sa panahon ng tag-ulan at tagbaha ay ito’y nagiging isang problema para sa marami. Dapat malayo sa mga pinagkukunan ng tubig gaya ng mga ilog, balon, at iba pa.

Iwasang magbabad sa tubig-baha. Ang sakit na leptospirosis ay dala ng mga mikrobyong galing sa mga daga at iba pang hayop, na maaaring dalhin ng tubig baha at makapasok sa balat ng tao.

Kung mayroon kayong mga anak, pagbawalan silang maligo sa tubig-baha. Alamin kung ano mga sintomas ng leptospirosis at basahin ang mga kaalaman tungkol dito.

Huwag hayaang maipon sa mga lalagyan ay tubig na hindi gumagalaw o stagnant water. Ang mga tubig na naipon sa mga lalagyan ay maaaring maging lugar kung saan lumaganap ang mga lamok na siyang nagdadala ng dengue. Alamin kung paano makaiwas sa dengue.

Magpatingin kaagad sa doktor kung may mga sintomas tulad ng ‘di mapigilang at/o malatubig na pagtatae, mataas na lagnat, pagsakit ng tiyan at ng katawan, upang maagapan ang anumang sakit.