Sa wakas ay napansin na rin ng mismong mga mambabatas ang problema sa pag-abuso sa protocol plate number.
Kaya naman nagpalabas ng kautusan si Pampanga Rep. at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo para isurender ang kanilang numero 8 plaka.
Nakaraang linggo ay iniutos ng liderato ng Kamara na ibalik na ang lahat ng protocol plate number “8” na inisyu noong 16th Congress at sa mga nagdaang Kongreso.
Ang kautusan ay ipinalabas dahil sa mga insidenteng kinasangkutan ng otsong plaka.
Pero listo rin talaga ang ilang mambabatas dahil may ilan ang humihirit na hindi lang ang protocol plate na “8” ng mga kongresista ang dapat isurender.
Para kay Anakpawis Party-list Rep. Ariel Casilao lahat ng mga abusadong taga-gobyerno ay hindi dapat binibigyan ng karapatan na gumagamit ng ganitong klase ng plaka.
Hindi lamang daw sa Kongreso kahit na ‘yung ibang mga opisina ng gobyerno na gumagamit ng protocol plate ay dapat bawian ng plaka.
Siyempre nga naman hindi ‘yan lisensya ang mga plakang iyan para manlamang tayo sa ating kapwa.
Sabagay mga public servant ang mga nasa gobyerno. Ibig sabihin ang kanilang sahod ay nagmumula sa buwis ng mamamayan kaya abuso nang matatawag kung may espesyal pa silang pribelihiyo sa pamamagitan ng paggamit nila ng protocol plate para matakasan ang anumang paglabag sa batas na kanilang ginagawa.
Hangad natin ang estriktong pagpapatupad ng kautusang ito ng Kamara.
Naniniwala akong magiging madali na ang paglipol sa numero otsong plaka dahil may kautusan na ang liderato ng Kamara.
Panawagan din natin sa Land Transportation Office (LTO) at iba pang law enforcement agencies ng gobyerno na kumilos sa problemang ito upang matigil na ang paggamit sa nasabing plaka sa kasamaan.
Kailangang maitanim sa kukote ng mga gumagamit ng No. 8 na hindi ito rason para mapaikutan ninyo ang batas trapiko.
Sawsawan to the max na ang ilang personalidad sa isyu ng ‘Ang Probinsyano’.
Hindi na natin kukuwestyunin ang pagpapel ni Philippine National Police (PNP)Chief Oscar Albayalde at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.
Kapwa sila may sey sa isyu bilang mga opisyal na nasa likod ng PNP.
Pero sa ilan diyang sumasawsaw sa isyu. Puwede ba ibang usapin na lang ang inyong pakialaman, masyado kayong trying hard at halatang nagpapapansin lang.