Natuwa tayo sa anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon na na-liberate na ang Marawi City na halos kalahating taon ding binalot ng karahasan dahil sa pagsalakay ng teroristang grupong Maute.

Daan-daang buhay ang nalagas mula sa hanay ng tropa ng ating gobyerno, ilang sibilyan at sa kalabang grupo.

Isa tayo sa nalulungkot kapag may nababa­litang namamatay sa giyera. Lalo tayong nakakaramdam ng pagkalumbay kapag nasasaksihan natin sa telebisyon ang hilera ng nagdadatingan sa airport na mga kabaong ng tropa ng gobyernong napapatay ng Maute Group.

Palagian ang dasal natin ay matapos na sana ang gulo dahil kaawa-awa ang pamilya ng mga government troops na naghihintay sa pagbabalik ng kanilang mga mahal sa buhay pero bangkay na kung iuwi.

Kaya nang ianunsyo ng Pangulo ang kalayaan­ ng Marawi sa kamay ng teroristang grupo na nangyari matapos ang pagkakapatay sa dalawang lider ng terorista na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute ay nakaramdam tayo ng saya dahil ibig sabihin nito ay wala nang madaragdag pang bilang ng mga kababayan nating mapapatay sa Marawi.

Sa tropa ng gobyerno na talaga namang nagsakripisyo at bumabad sa Marawi City upang masiguro ang kaligtasan ng lungsod at maibalik sa normal ang buhay ng mga taga-Marawi City, saludo kami sa inyo.

Maraming salamat sa pagtatanggol sa Marawi City at sa mga mamamayan ng lungsod.

Ang hudyat ng kalayaan ng Marawi City ay kasabay ng ginawang­ pagtaas ng bandila ng Pilipinas ni Pangulong­ Duterte sa main battle ground area na hudyat na tapos na ang giyera at malaya na ang Marawi City mula sa kontrol ng Maute-ISIS terror group.

Ngayong kontrolado­ na ng gobyerno ang Lungsod ng Marawi hangad natin ang tuluy-tuloy nang katahimikan sa lungsod at ng mga mamamayan nito.